Calendar
Lacson kay Dizon: Paano napunta sa Leyte geotagged photos ng proyekto sa Taguig?
PINAGPAPALIWANAG ni Sen. Panfilo Lacson si Public Works Secretary Vince Dizon hinggil sa finding ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na aniya’y nagpapakitang sa Leyte naka-geotag ang billing photos ng isang proyekto sa Taguig.
Salungat ang finding sa pahayag ni Dizon noong Biyernes na walang ghost projects sa Taguig.
Tinukoy ni Lacson ang proyektong may Contract ID 220B0106.
“Geotagged photographs attached to billing reports contained coordinates pointing outside verified project limits. (e.g. metadata of Contract ID 220B0106 reflected coordinates located approximately 600 kilometers away in Leyte.),” dagdag ni Lacson.
Ayon pa kay Lacson, St. Timothy Construction ang contractor ng proyekto, isang kumpanyang aniya’y pag-aari ng pamilyang Discaya na nauugnay sa mga kontrobersyal na flood control project.
“To further highlight the red flag, Discaya’s St Timothy ang contractor. What do you say about this, Sec?” tanong ng senador.
Batay sa billing documents na binanggit ni Lacson, inilabas noong Hunyo 23, 2022 ang 15 porsiyentong advance payment na P13.74 milyon. Sa Tacloban City, Leyte naka-geotag ang lahat ng kalakip na larawan nito, ayon sa mga dokumento.
Makikita rin sa mga dokumento na walang kalakip na larawan ang unang partial billing na P37.162 milyon na may petsang Hulyo 27, 2022.
May mga larawan naman ang sumunod na tatlong billing pero walang coordinates. Ito ang P19.174 milyon noong Setyembre 12, 2022, ang P21.202 milyon noong Setyembre 22, 2022, at ang huling billing na P18.960 milyon noong Pebrero 22, 2023.
Sinabi ni Dizon noong Biyernes na walang ghost projects sa Taguig. Sagot niya ito sa tanong ni Sen. Alan Peter Cayetano, na balwarte ang Taguig.
Kinabukasan, iginiit ni Lacson na tila salungat ang pahayag ni Dizon sa sariling site inspection reports ng DPWH. Nakiramay siya sa mga site inspection engineer ng ahensya na aniya’y sinalungat ng sarili nilang boss.
Maaaring nalimutan lang daw ito ni Dizon dahil sa “pressure” ng trabaho. Paliwanag ni Lacson, naipasa na ng DPWH sa kanyang Senate office ang mga rekord ng mga proyektong “nonexistent but reported as completed.”
Binanggit din ng senador ang datos mula sa “Analysis of Potential Similar Billing Photographs from 2017-2025 of Taguig projects using AI-Based Image Similarity Detection Approach” ng DPWH.
Ayon sa pagsusuri, sa 15,523 larawang sinuri ng AI system, 1,079 pares ang na-flag dahil sa mataas na visual similarity.
