Calendar
Villanueva nagbabala sa P9.8B bawas sa libreng tuition
NAGBABALA si Sen. Joel Villanueva na maaaring mapahina ng P9.757 bilyong bawas sa pondo ng libreng tuition sa kolehiyo ang pagpapatupad ng repormang batas na siya ang may-akda.
Sa panukalang 2027 badyet, bababa sa P27.790 bilyon mula P37.547 bilyon ang pondo ng Universal Access to Quality Tertiary Education (UAQTE), ang programang sumasagot sa libreng tuition.
Bahagi ito ng P12.916 bilyong kaltas sa Commission on Higher Education (CHED). Nasa P35.453 bilyon ang panukalang badyet ng komisyon, mas mababa ng 26.7 porsiyento kumpara ngayong 2026.
Kasabay ng bawas ang nalalapit na pagpapatupad ng Republic Act No. 12325, ang batas na nagpapalakas sa UAQTE Act.
“We authored this reform because the subsidy was not reaching the students who needed it most. A smaller budget makes that job harder, not easier,” ani Villanueva.
Ayon sa kanyang tanggapan, 12.6 porsiyento lamang ng mga grantee ng Tertiary Education Subsidy (TES) noong unang semestre ng Academic Year 2025-2026 ang mula sa mga pamilyang kasapi ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Ito umano ang puwang na nais tugunan ng RA 12325 sa pamamagitan ng mas tiyak na pagtutok ng subsidiya sa mahihirap na estudyante.
Tumaas naman ang pondo ng ibang programang pantulong ng CHED. Aakyat sa P3.185 bilyon mula P2.154 bilyon ngayong taon ang Student Financial Assistance Programs, kaya madaragdagan ang benepisyaryo mula 42,128 sa 49,243.
May P1.232 bilyon ang Doktor Para sa Bayan, o Medical Scholarship and Return Service Program, para sa 4,557 kasalukuyang iskolar at 700 bagong estudyante ng medisina.
