Calendar
Tulfo: Panukalang bawal ilipat sa ibang singil tatanggaling systems loss charge
IPAGBABAWAL sa mga distribution utility at electric cooperative ang paglipat ng systems loss charge sa ibang bahagi ng electric bill sa ilalim ng panukalang isinusulong ni Sen. Erwin Tulfo.
Ayon sa tanggapan ng chairman ng Senate Committee on Energy, sagot ito ni Tulfo sa agam-agam ng ilang konsyumer na baka bawiin lang ng mga kumpanya ang tatanggaling singil sa pamamagitan ng distribution o supply charges.
Tinutukoy niya ang Senate Bill No. 2486 o ang “Systems Loss Charge Removal Act,” na ini-sponsor niya sa plenaryo noong Setyembre 22. Priority measure umano ito ng administrasyon, ayon sa kanyang tanggapan.
“Kaya itong isinusulong nating panukala, malinaw doon na bawal ma-recover ng mga distribution facilities at electric cooperatives ang allowed losses sa pamamagitan ng distribution wheeling charges, supply charges, metering charges, universal charges, subsidies, o kahit na anong bahagi ng bill,” dagdag niya.
Kinuwestiyon din ni Tulfo kung bakit konsyumer ang nagbabayad sa systems loss na kuryenteng hindi naman nila ginamit.
“Bakit kailangan konsyumer ang sasalo ng kuryenteng di naman niya ginamit? Bakit sasaluhin ng konsyumer kung di maayos yung pamamalakad o sira-sira ang gamit ng kumpanya?” tanong niya.
“Hindi luho ang kuryente, pangangailangan ito para mabuhay nang may dignidad sa makabagong panahon,” wika pa niya.
Hinimok ni Tulfo na bilisan ang pagpasa sa panukala para matuldukan na, aniya, ang pagpapasa ng systems loss charge sa mga konsyumer.

