Sara

Dapat magpatuloy paglilitis kay VP Sara kahit i-boycott ng mga senador — Alonto Adiong

108 Views

DAPAT magpatuloy ang impeachment trial ni Vice President Sara Z. Duterte kahit hindi dumalo o i-boycott ng ilang senator-judges ang mga pagdinig, ayon kay Zia Alonto Adiong ng Lanao del Sur, tagapagsalita ng paglilitis, nitong weekend. Kinilala rin niya na isinasaalang-alang ng prosekusyon ang ganitong posibilidad.

“Isa po ’yan sa tinitingnan natin na possibility na maaaring mangyari,” sabi ni Alonto Adiong sa Saturday News Forum sa Dapo Restaurant sa Quezon City nang tanungin tungkol sa posibleng pag-boycott ng mga minority senator-judges.

“Pero ang side po ng prosecution, tuloy-tuloy po itong proseso na ito,” aniya.

Sinabi ni Alonto Adiong na nakakuha na ang Senado ng hurisdiksiyon sa impeachment case at sa huli ay dapat nitong resolbahin ang mga kasong isinampa laban kay Duterte.

“Kasi ang Senado po has already taken jurisdiction over the impeachment case,” sabi ni Alonto Adiong.

“So wala pong other options than to resolve this case with the Senate deciding on the Articles of Impeachment,” dagdag niya.

Sinabi ni Alonto Adiong na umaasa siyang magpapatuloy ang pakikilahok ng mga minority senator-judges sa paglilitis sa kabila ng kanilang pagtutol sa naging desisyon ng impeachment court tungkol sa bilang ng boto na kailangan para sa conviction.

“Kung ako po tatanungin n’yo, sana hindi po sila mag-walkout, di ba?” aniya. “Because that would only send probably a message, or a political message nila.”

Anim na minority senator-judges ang hindi nakilahok noong Miyerkules nang bumoto ang impeachment court ng 13-1 upang baligtarin ang nauna nitong itinakdang 16 na boto bilang threshold para mahatulan si Duterte.

Sila ay sina Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano at mga Senador na sina Pia Cayetano, Christopher “Bong” Go, Imee Marcos, Robin Padilla at Camille Villar.

Si Mark Villar, na miyembro rin ng minority bloc, ay nakilahok sa botohan at kumampi sa nakararami.

Sa ilalim ng bagong desisyon ng korte, ang constitutionally required na two-thirds vote ay kakalkulahin batay sa mga senador na legal at aktuwal na may kakayahang lumahok kapag inilabas na ang hatol.

Nauna nang sinuportahan ng anim na minority senator ang hindi nagtagumpay na mosyon ni Alan Peter Cayetano na ipagpaliban ang pagresolba sa usapin ng voting threshold at dalhin ito sa Supreme Court. Pagkatapos nito, hindi sila nakilahok nang bumoto ang impeachment court mismo tungkol sa threshold.

Lumabas ang mga ulat tungkol sa posibleng pag-boycott ng minority sa impeachment trial ni Duterte matapos ang mga pagdinig noong Miyerkules, ngunit sinabi ni Senate President Sherwin Gatchalian noong Biyernes na wala siyang narinig na anumang ganoong plano.

Sinabi ni Alonto Adiong na anuman ang piliing gawin ng bawat senator-judge, ang posisyon ng prosekusyon ay dapat magpatuloy ang prosesong itinatadhana ng Konstitusyon.

“Bilang usapin ng proseso, [ang posisyon] ng prosecution panel, it has to proceed,” aniya.

Patuloy na iginigiit ng House prosecution na kailangang maglabas ng desisyon ang impeachment court sa mga paratang ngayong nakakuha na ang Senado ng hurisdiksiyon sa kaso.

Kasalukuyang naghaharap ang prosekusyon ng mga ebidensiya sa ilalim ng Article II ng Articles of Impeachment, na inaakusahan si Duterte ng hindi maipaliwanag na yaman at mga kaugnay na paglabag.