Calendar
ACT-CIS Cong. Erwin Tulfo nais busisiin ang Senior Citizens Act
NAIS BUSISIIN ni House Deputy Majority Leader at ACT-CIS Party List Cong. Erwin T. Tulfo ang Senior Citizens Act sapagkat ipinapalagay ng kongresista na masyadong dehado ang sektor ng mga matatanda sa pagkakaloob ng benepisyo para sa kanila kabilang na ang mga discounts.
Isinama ni Albay 2nd Dist. Cong. Joey Sarte Salceda, chairman ng House Committee on Ways and Means, si Tulfo sa Technical Working Group (TWG) ng kaniyang komite para rebyuhin o repasuhin ang Senior Citizens Law.
Napag-alaman kay Congressman Tulfo na kabi-kabila ang reklamong kaniyang natatanggap mula sa mga senior citizens patungkol sa hindi tamang pagkakaloob sa kanila ng benepisyo ng ilang business establishments.
Bunsod ng hindi patas na pagtrato ng ilang business establishments sa mga senior citizens, partikular na sa pagkakaloob sa kanila ng discounts, naniniwala si Tulfo na kinakailangan na talagang repasuhin ang nasabing batas.
Ayon sa mambabatas, hinihingi na rin ng pagkakataon para repasuhin ang Senior Citizens Act sapagkat obsolete o lipas na ang ilang probisyon ng batas. Katulad aniya ng P65 na discount. Kung saan, ipinaliwanag pa ni Congressman Tulfo na ano pa ang mabibili sa P65 sa mga panahong ito.
Kabilang sa mga dapat i-upgrade sa Senior Citizens Law ay ang pagbibitbit ng mga senior citizens ng kanilang discount booklets na madalas naman nilang nakakalimutan kaya hindi sila nabibigyan ng discount. Habang hindi naman sila iniisyuhan ng bagong booklets ng local government units (LGUs).
Binigyang diin ni Tulfo na kapag hindi nadala ng mga senior citizens ang kanilang booklet ay hindi sila mabibigyan ng discount na para bang sinasabi ng isang business establishment sa kanila ay “Sorry ka na lang Lolo o Lola”.
Ito ang masaklap na katotohanang kinakaharap ng ating mga senior citizen na para bang inililimos nila ang benepisyong nakalaan naman para sa kanila. Mabuti na lamang at mayroong mga kagaya ni Congressman Tulfo na tunay na nagmamalasakity para sa mga senior citizens.