Tulfo

ACT -CIS nagpahatid ng tulong para sa pagbangon ng Abra, Cagayan

163 Views

NAGPADALA ng tulong ang ACT-CIS sa lalawigan ng Abra at Cagayan sa pamamagitan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa muling pagbangon ng mga tao doon na biktima ng bagyong “Egay”.

Ayon kay ACT-CIS Rep. Erwin Tulfo, napagkasunduan ng kanilang grupo na magpadala ng tig-P4 milyong ayuda sa bawat lalawigan.

“Hindi man po ganun kalaki, pero kahit papaano may maidagdag ang pamahalaang panlalawigan sa kanilang “recovery efforts” funds dahil balita po namin daan-daang milyon ang kailangan pa nila”, ani Cong. Tulfo.

Ang Abra ang pinakamatinding tinamaan ng dumaang si “Egay” dahil sa mga landslide habang ang Cagayan naman ay lumubog sa tubig-baha.

Maraming kabahayan ang nasira sa Abra habang pagkawasak naman ng pananim ang naging problema sa Cagayan.

Kapwa naman nagpasalamat sina Cagayan Gov. Manuel Mamba at Abra Province League of Municipalities President Joseph Bernos sa tulong na ibinigay ng ACT-CIS Partylist.

“We will always be grateful sa ACT-CIS lalo na kay Cong. Erwin dahil di kami nakakalimutan kahit noong nasa DSWD pa siya,” ani Mayor Bernos.

Pinasalamatan naman ni Tulfo si DSWD Sec. Rex Gatchalian sa agarang tulong para sa mga nasabing lalawigan.