pauls

‘Adelantado’ masyado

Paul M Gutierrez Aug 15, 2022
275 Views

USAP-usapan ngayon ang nabukong importasyon sana ng asukal at pilit kinakaladkad ang pangalan ni Executive Secretary (ES) Vic Rodriguez. Ito ay nang mapag-alaman ang ilegal na importation order ng 300,000 metrikong tonelada ng asukal. At siyempre, kasama sa mga interesado na malaman ang detalye ng tangkang “palusot” sa tungki ng ilong mismo ni PBBM ay ang ating Kongreso at Senado, sino pa ba, hehehe!

Nauna nang nilinaw ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles na walang kinalaman si ES Vic sa Sugar Order No. 4 ng Sugar Regulatory Board na siyang nagpapatakbo sa Sugar Regulatory Administration (SRA). Si PBBM, bilang concurrent agriculture secretary, ang “bosing” sa SRB.

Ipinaliwang ni Secretary Cruz-Angeles na batay sa mga unang diskusyon ng SRB kung saan kasama si ES Vic hinggil sa suplay at presyo ng asukal sa bansa, napagkasunduan na gumawa ng ‘importation plan’ bago ipinal ang usapan kung aktwal o kailan ba talagang mag-angkat ng asukal.

Pilit kinakaladkad ng mga kurimaw at kritiko si ES Vic sa eskandalo dahil siya umano ang nakapirma sa appointment nitong si DA Usec. Leocadio Sebastian, pati na ang kanyang mga kapangyarihan at responsibilidad bilang ‘Number 2’ ni PBBM sa DA, katulad ng pagpapatawag ng pagpupulong ng SRB.

Bagaman tama ang obserbasyon, hindi naman marahil kasama sa awtoridad ni Sebastian na pangunahan niya si PBBM at gumawa ng desisyon na hindi man lang isinasangguni sa kanya o kay ES Vic, hindi ba mga kabayan?

Tama naman kasi si Sec. Trixie– napakalayo ng kaibahan sa ‘importation plan’ (o plano/balak na pag-aangkat) kumpara sa aktwal na importation order na ginawa nitong grupo ni Sebastian.

Translation? Nabigyan lang ng kapangyarihan naging “adelantado” na itong si Sebastian, aww!

Dagdag pa nga ni Sec. Trixie, sadyang walang alam si ES nang magpulong ang SRB na ipinatawag ni Sebastian kung saan inaprubahan ang Sugar Order No. 4.

Si ES Vic pa nga, aniya pa, ang kaagad na nagbalita kay PBBM nang malaman niya ito dahil alam niyang wala itong basbas ng Pangulo.

Ibig sabihin lamang nito ay mismong si ES ang nakahuli ng ilegal na transaksiyon na ito.

Ngayon, bakit parang siya ang itinuturong may kinalaman dito? Simple lang, maliban sa tingin natin ay isa talaga itong demolition job laban kay ES, ito ay malinaw na may mga kumikita sa importasyon ng asukal dyan sa SRA.

Nakikita natin na ginawang daan ng mga nais kumita dyan ang naging pahayag na magkaroon ng ‘importation plan’ at nagamit ito upang gawing dahilan para magkaroon ngayon ng daan para sa importasyon ng asukal.

Ang problema, nabisto mismo ito ni ES dahil alam niyang may mali sa nangyayari at alam niyang makakaladkad siya dito at masisira si PBBM, ano pa nga ba?

Ito na rin ang dahilan kung bakit gusto ni PBBM na pamunuan ang Department of Agriculture dahil alam niyang may malaking korapsiyon sa importasyon sa nasabing ahensiya.

At eto na nga, ang lumalabas dito kung pagtatagpi-tagpiin natin ang nangyayari. Gusto nilang gawing legal ang ginagawa nilang importasyon para kumita kaya ginamit ang ‘importation plan’ para maging ‘importation bid’.

Malamang sasabihin nila na kasama sa plano ang bidding para makalusot at si ES ang ituturo nila dahil sa kaniya nanggaling ang kapangyarihan ni Sebastian.

Ang tanong na lang natin dito ay sinu-sino ang totoong sangkot dito at mabigyan ng mga mukha, magkaroon ng imbestigasyon at tiyakin na may mananagot.

Hindi po ang pag-iimport ang problema dito kundi ang mga taong nais kumita sa importasyon. Dahil hindi po talaga tayo basta na lamang nag-iimport at ginagawa lamang ito kung talagang walang-wala na tayo.

Kapag nag-import po kasi tayo ay maraming negatibong epekto ito sa atin. Unang-una, maapektuhan po dito ang mga lokal na magsasaka natin at negosyante dahil kapag binaha ng imported na produkto hindi nila maibenta ang lokal nilang produkto sa kanilang presyo. Nalulugi po ang lokal na industriya natin.

Isa pa, kapag nag-import tayo ay dolyar ang ating ginagamit. Kapag lagi tayong naglalabas ng dolyar ay nauubos ang dolyar sa bansa at nakakaapekto ito sa halaga ng ating piso.

Alam natin bago pa man manalo si PBBM sa pagkapangulo ay may alam na siya sa mga nangyayaring korapsiyon diyan sa DA kaya nais niya itong pamunuan. Ibig sabihin, ganoon katalamak ang alam niyang nangyayaring katiwalian diyan.

At maging ordinaryong Pilipino malamang alam nila na kapag importasyon ang pinag-uusapan, talagang may kumikita diyan lalo na kung gobyerno ang katransaksiyon.

Siguro ngayon, dear readers, kung bakit sa panahon ni Secretary William Dar, wala nang alam ang DA na solusyon sa problema ng agrikultura kundi importasyon?

Ang tanong na lang natin ngayon sinu-sino ba talaga ang kumikita diyan? Pero sigurado tayo na hindi kasama diyan si ES Vic at malamang nakikita na nila ngayon kung gaano kabantot ang sistema ng importasyon sa DA.

Malaking hamon ito tiyak sa kasalukuyang administrasyon ni PBBM dahil alam nating maaaring may mga sindikato sa likod ng mga importasyong ito. Dahil alam natin na maliban sa importasyon ng droga, malaking problema din ang importasyon ng mga produktong pang-agrikultura.

At bakit ba mabilis na nagbitiw itong si Sebastian? Dahil nga lang kaya “napahiya” siya at kahit si PBBM sa kanyang pagiging adelantado?

Harinawang hindi dahil “iwas-pusoy” na siya na ayaw nang matanong kung ano ba talaga ang kanyang dahilan at pinangunahan niya ang ating presidente at si ES Vic.

Abah, eh, sa Senado at Kongreso ka na lang magpaliwanag!

Abangan!