Marine

Adiong: Alegasyon ng maletang puno ng pera vs mambabatas d tugma sa timeline, mga CCTV ng Kamara

98 Views

SINABI ni Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong nitong nakaraang weekend na madaling mabubutas ang alegasyon na nakatanggap siya ng maletang puno ng pera dahil hindi nagtutugma ang sinasabing timeline sa kanyang katayuan noon sa Kamara, sa panahon ng kontrobersiya sa flood-control projects, at maging sa umiiral na security system sa loob ng House of Representatives.

Ginawa ni Alonto Adiong ang pahayag habang ipinaliliwanag kung bakit siya naghain ng mga kasong libelo at cyberlibel laban sa 18 indibidwal na iniulat na mga dating bodyguard ng dating kongresistang si Zaldy Co kaugnay ng mga alegasyong tumanggap umano ng mga maletang puno ng salapi ang ilang mambabatas.

“Matagal na ’yun eh,” ani Alonto Adiong sa programang Kwatro Alas sa PRTV Prime Media.

“Pero ako, noong lumabas ang pangalan ko roon ilang buwan na ang nakalipas, hindi ko na lang pinansin,” dagdag niya.

Ayon kay Alonto Adiong, walang katwiran ang alegasyong nakatanggap siya ng pera noong 2023 dahil kakahalal pa lamang niya noong 2022 at wala pa siyang impluwensiya noon sa Kamara.

“Sabi ko, bakit una sa lahat, ang sinasabi nila roon ay noong 2023 daw ako nabigyan. Eh noong 2022 lang ako nahalal at wala pa nga akong chairmanship noon. Praktikal na wala pa akong impluwensiya sa House,” aniya.

“Kung ganoon, ano ang utang na loob sa akin ni Zaldy (Co) para bigyan niya ako ng maleta? At nagsimula lang naman ang Quad Committee noong huling bahagi ng 2024,” dagdag niya.

Sinabi ni Alonto Adiong na mismong ang timeline ng alegasyon ang nagpapahina rito.

“So kung titingnan mo, hindi talaga magkatugma,” aniya.

Ipinaliwanag din niya na nagpasya siyang magsampa ng kaso dahil hindi dapat basta-basta makapagbato ng akusasyon ang sinuman laban sa mga opisyal ng gobyerno nang walang ebidensiya at walang pananagutan.

“Napag-isipan ko, sabi ko hindi, dapat maturuan ng leksyon ang mga ito. Hindi puwedeng basta ka na lang mag-aakusa ng kahit sino nang hindi hinaharap ang magiging bunga ng iyong mga ginawa,” ani Alonto Adiong.

Tinukoy rin niya ang mga umano’y hindi pagkakatugma sa listahan ng mga inaakusahan, dahil may ilang pangalan na lumitaw lamang matapos silang maging mahalagang personalidad sa pulitika.

“Klaro iyon. Halimbawa si Terry Ridon, wala siya sa orihinal na listahan noong unang lumabas ito ilang buwan na ang nakalipas. Tapos bigla na lang siyang nadagdag,” aniya.

“Sabi ko, ano naman ang koneksiyon ni Terry Ridon kay Zaldy para bigyan siya ng ganoon? Hindi naman siya kongresista noong panahong iyon,” dagdag niya.

Ayon pa kay Alonto Adiong, kuwestiyonable rin ang pagsama sa pangalan ni Mamamayang Liberal (ML) Party-list Rep. Leila De Lima dahil nakakulong pa umano ito sa panahong tinutukoy sa alegasyon.

“Si Congresswoman Leila De Lima, nakakulong pa noon,” aniya.

Sinabi rin niya na hindi tumutugma ang sinasabing pagbibigay ng pera noong 2023 sa timeline ng isyu ng umano’y kickback sa flood-control projects.

“Kung babalikan natin, nagkaroon man ng usapin sa flood control, ang independent flood-control issue ay lumitaw lamang noong 2024. Kaya saan nanggaling ang sinasabing flood-control kickback noong 2023?” tanong niya.

“Ang sinasabing kickback ay nagsimula pa nga umano sa 2025 General Appropriations Act (GAA), pero ang alegasyong ito ay nangyari raw noong 2023. Kaya saan niya iyon nakuha?” dagdag niya.

Binigyang-diin ni Alonto Adiong na seryoso ang alegasyon dahil nakasisira ito ng reputasyon nang walang sapat na ebidensiya, lalo pa’t sinasabing sa loob mismo ng House of Representatives inihatid ang umano’y maleta ng pera—isang lugar na mahigpit ang seguridad at maraming CCTV cameras.

“Serious allegation ito kaya dapat seryosohin talaga. Reputasyon ang nakataya at wala naman silang ebidensiya. Ang sabi pa nila, sa House of Representatives daw ito inihatid. Napakaraming CCTV doon kaya madaling matutukoy kung anong taon at anong oras nangyari iyon kung totoo man,” ani Alonto Adiong.