LEDAC

Impeachment ni VP Sara pinaghahandaan ng Senado

114 Views

NAGHAHANDA na ang Senado para sa pagbubukas ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa Hulyo 6 at si Senate President Sherwin Gatchalian ang inaasahang tatayong presiding officer maliban na lamang kung magkasundo ang mga senator-judge na pumili ng iba.

Nakatutok ang paghahanda sa itinakdang impeachment calendar ng Senate impeachment court, ayon kay Senate Secretary Renato Bantug.

Si Bantug ang tatayong clerk of court ng impeachment court. Ayon sa kanya, layunin ng pre-trial conference na gawing mas malinaw ang mga legal issue at mapabilis ang proseso sa oras na magsimula ang paglilitis.

Kailangan pang ihanda ng Senado ang pre-trial order na isusumite muna sa presiding officer bago ilabas sa mga partido.

Ayon kay Bantug, nakasaad sa impeachment calendar na dapat mailabas ang pre-trial order pagsapit ng Hunyo 25 ngunit susubukan niyang matapos ito nang mas maaga upang maibigay agad sa Senate President.

Sa pre-trial conference, lilinawin ang mga usaping hindi na kailangang talakayin bago ang formal trial, habang ang objections ng mga partido ay tatalakayin sa trial proper.

Alinsunod sa rules, magsisimula ang paglilitis dakong alas-2:00 ng hapon at maaaring magpatuloy hanggang matapos ang nakatakdang gawain para sa araw na iyon.

Batay sa nakikita niyang iskedyul, gagawin sa umaga ang legislative session at sa hapon ang impeachment proceedings bagaman maaari pang magkaroon ng adjustments depende sa magiging takbo ng paglilitis.

Sinabi ni Bantug na si Sen. Gatchalian ang magbubukas ng impeachment trial sa Hulyo 6.

Maaari pa ring magdesisyon ang mga senator-judge kung pipili sila ng ibang presiding officer sa mismong pag-convene ng impeachment court.

Halos pareho ang bilang ng mga testigong ihaharap ng prosecution at defense, bagaman hindi pa niya binibigyan ng pinal na bilang ang listahan.

Ayon sa kanya, inaasahan ding maghahain ang magkabilang panig ng documentary at object evidence sa impeachment court.

Tutulungan siya ng dalawang deputy–ang Senate Legal Counsel at ang Deputy Secretary for Legislation.

Ayon sa kanya, mag-o-overlap ang kanyang trabaho bilang clerk of court at bilang Senate Secretary sa oras na magbalik ang regular legislative sessions sa Hulyo.

Gagamiting template ang mga naunang paghahanda para sa dating trial schedule, ngunit isusumite pa rin ito kay Gatchalian para sa pinal na pag-apruba.

Sinabi ni Bantug na kailangang isaalang-alang ang seguridad ng senator-judges, mga partido, publiko at empleyado ng Senado sa pagbuo ng access arrangements para sa trial.

Sinabi ni Gatchalian sa Usapang Senado sa DWIZ na pag-uusapan pa ng Senado kung sino ang tatayong presiding officer sa impeachment trial.

Ayon kay Gatchalian, ang Senate President ang presiding officer sa ilalim ng rules ngunit pag-uusapan pa rin ito ng mga senador.

Magkakaroon ng caucus bago ang impeachment trial upang talakayin ang naturang usapin, kabilang ang posibleng pagtatalaga ng impeachment manager.

Ayon kay Gatchalian, pinag-aaralan din ang security arrangements dahil sensitibo ang pulitikal na kalagayan sa impeachment proceedings.

Nakikipag-ugnayan ang Senado sa Philippine National Police at National Intelligence Coordinating Agency at maglalabas ng advisory ukol sa mga patakaran.

Ayon kay Gatchalian, ipinapatupad sa Senado ang advance notice para sa mga bisitang papasok sa gusali, habang bibigyan ng malaking pansin sa trial proper ang seguridad ng building, mga empleyado at mga bisita.

Ayon pa kay Gatchalian, nasa 50 upuan lamang ang maaaring buksan sa publiko dahil sa limitadong espasyo, ngunit inaasahang mapapanood ang proceedings sa live streaming platforms.

Ayon sa kanya, may 52 Legislative-Executive Development Advisory Council measures na nakabinbin sa Senado, at halos kalahati ng mga ito ay naaprubahan na ng Kamara de Representantes.

Nakikipag-ugnayan siya sa mga senador mula sa minority at bukas siya sa pakikipag-usap sa kanila.

Ayon kay Gatchalian, may ilang minority senators na rin ang naitalaga sa mahahalagang committees at magkakaroon ng all-senator caucus upang mapag-usapan ang priority measures.