Calendar
Gatchalian isinusulong dagdag EV incentives
NAGHAIN si Senate President Sherwin Gatchalian ng panukalang batas na naglalayong palawakin ang mga insentibo para sa electric vehicles (EVs) upang makatulong na mabawasan ang pagdepende ng bansa sa inaangkat na langis.
Inihain ni Gatchalian ang Senate Bill No. 2270, na naglalayong amyendahan ang Republic Act No. 11697, ang Electric Vehicle Industry Development Act na naglalayon na palawigin mula walo hanggang 12 taon ang bisa ng fiscal at non-fiscal incentives para sa EVs.
Layon din nitong ipataw ang zero percent import duty sa EVs gayundin sa mga kaugnay na kagamitan at imprastraktura.
“We need to break our economy’s dependence on foreign oil by accelerating the transport sector’s shift to EVs,” sabi ni Gatchalian.
Ang pagtaas ng presyo ng crude at refined petroleum sa pandaigdigang merkado ay nagdulot ng ilan sa pinakamalalaking pagtaas sa presyo ng gasolina sa bansa.
Sa ilalim ng panukala, magbibigay din ng dagdag na non-fiscal incentives sa EV users gaya ng libre o may diskwentong parking fees, libreng access sa mga nakalaang EV expressway lanes at Buy Now, Register Later program.
Itataas din ng panukala sa 20 percent ng kabuuang parking spaces ang minimum allocation para sa exclusive EV parking slots na may dagdag na limang porsyento kada limang taon.
Nauna nang sinabi ng Department of Energy na ang delays sa permitting ang isa sa mga dahilan ng mabagal na rollout ng EV charging stations sa bansa.
Layon ng panukala na pabilisin ang paglipat ng transport sector sa EVs sa pamamagitan ng dagdag na fiscal at non-fiscal incentives.
