Calendar
Gatchalian: El Niño maaaring tumama sa suplay ng pagkain
NAGBABALA si Senate President Sherwin “Win” Gatchalian na maaaring maging seryosong banta sa agrikultura at suplay ng pagkain ang posibleng super El Niño.
Dapat maghanda ang bansa sa posibleng epekto ng matinding init at tuyong panahon kahit pa humupa na ang tensyon kaugnay ng Iran crisis.
“Ang nakikita kong pinakamalaking banta sa sektor ng agrikultura natin ay ’yung super El Niño na sa pagkakaintindi ko ay nandito na at titindi na.
Mayroon nang mga probinsya na nag-declare ng state of calamity,” ani Gatchalian.
Maaaring maging usapin ng food security ang dry conditions dahil nakakaapekto ang agrikultura sa suplay at presyo ng pagkain.
“Dahil sa kagandahang nangyari ay humuhupa na itong Iran conflict, pumapasok naman tayo dito sa super El Niño na tingin ko ay isa rin na malaking banta sa sektor ng agrikultura,” sabi ni Gatchalian.
Kailangan ng Senado ng hiwalay na briefing mula kay Department of Science and Technology Secretary Renato Solidum Jr. upang makakuha ng updated information tungkol sa posibleng lawak, lakas at panahon ng El Niño.
Ayon sa kanya, kailangang malaman ng mga mambabatas kung aling mga lugar ang maaaring maapektuhan, gaano katagal ang dry conditions at anong mga hakbang ang kailangan upang maprotektahan ang mga magsasaka, irrigation systems, suplay ng tubig at produksyon ng pagkain.
Nagtaas na ng El Niño Alert ang weather authorities, na nangangahulugang paborable ang kondisyon para mabuo ang El Niño.
Karaniwang kaugnay ng El Niño ang below-normal rainfall sa ilang lugar. Maaari itong magdulot ng dry spells, kakulangan sa tubig at pinsala sa mga pananim.
Dapat maagang maghanda ang gobyerno, lalo na sa mga lugar kung saan nararanasan na ng mga magsasaka ang init at limitadong suplay ng tubig.
Ayon sa kanya, kailangang mag-coordinate ang mga ahensya sa water management, crop support, disaster response at tulong sa mga apektadong magsasaka.
Una nang nagdulot ng pangamba ang Iran crisis dahil sa posibleng epekto nito sa presyo ng langis at fertilizer na nakakaapekto rin sa gastos ng mga magsasaka at presyo ng pagkain.
Inaasahang titingnan ng Senado ang paghahanda ng gobyerno, kabilang ang weather forecasts at support programs para sa mga magsasaka sa mga lugar na maaaring maapektuhan ng dry conditions.

