Calendar
Adiong: Paninira sa mga prosecutor at testigo—mukhang ito ang taktika ng kampo ni VP
IPINAHAYAG ni House trial spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong nitong Lunes ang kanyang pagkabahala sa tila koordinadong pagsisikap ng ilang tagasuporta ni Vice President Sara Z. Duterte na atakihin ang mga prosecutor, mga testigo, at maging ang mismong proseso ng impeachment sa halip na tugunan ang mga usaping tatalakayin sa impeachment court.
“Napapansin natin na habang papalapit ang paglilitis, dumarami ang mga pagtatangkang siraan ang mga prosecutor, kuwestiyunin ang mga testigo, at guluhin ang proseso sa pamamagitan ng maling impormasyon at mga mapanlinlang na naratibo,” ani Alonto Adiong.
“Kung minsan, parang mas interesado silang sirain ang mga taong naghaharap ng ebidensya kaysa sagutin ang mga ebidensyang iyon,” dagdag pa niya.
Binanggit ni Alonto Adiong na matapos ang dalawang araw ng pre-trial proceedings, nararapat na manatili ang atensyon ng publiko sa mga ebidensya at testigong ihaharap sa impeachment court, at hindi sa mga pag-atake sa internet at ingay sa social media.
“Dalawang araw na ang pre-trial conference. Pero hanggang ngayon, ang nakikita ng publiko ay mas maraming pag-atake sa mga prosecutor at testigo kaysa mga paliwanag tungkol sa mga alegasyon,” aniya.
Itinuro ng mambabatas na marami pa ring Pilipino ang naghihintay ng kasagutan sa mahahalagang tanong na nananatiling hindi nalilinawan.
“Kung hindi totoo ang mga alegasyon, sino ang magpapaliwanag? Kung may ibang bersyon ng mga pangyayari, sino ang magsasabi nito sa ilalim ng panunumpa? Kung may mga testigong magpapawalang-sala sa Bise Presidente, sino sila?” tanong ni Alonto Adiong.
“Hanggang ngayon, ni anino ng mga testigong inaasahan ng publiko na magbibigay-linaw sa mga isyung ito ay hindi pa natin nakikita,” dagdag niya.
Partikular ding binanggit ni Alonto Adiong ang mga tanong na patuloy na umiikot kaugnay ng mga personalidad na paulit-ulit na nabanggit sa isinagawang imbestigasyon ng Kongreso.
“Marami pa ring Pilipino ang nagtatanong: Nasaan si Mary Grace Piattos? Kung makakatulong siya upang malinawan ang mga isyung matagal nang pinag-uusapan, bakit hindi pa siya lumalabas upang magsalita?” aniya.
Ayon kay Alonto Adiong, ang pag-atake sa mga testigo ay hindi nagbibigay ng sagot sa mga isyung nasa harap ng impeachment court.
“Ang pagsira sa kredibilidad ng mga testigo ay hindi awtomatikong nagpapawalang-bisa sa kanilang testimonya. Ang mahalaga pa rin ay kung ano ang mapapatunayan sa pamamagitan ng mga dokumento, ebidensya, at salaysay na ihaharap sa paglilitis,” sabi ni Adiong.
Hinimok din ng House prosecutor ang publiko na maging mapanuri laban sa maling impormasyon na naglalayong ilihis ang usapan mula sa tunay na nilalaman ng mga pagdinig.
“May mga malinaw na pagtatangkang ilihis ang usapan mula sa mga tanong na dapat sagutin. Ngunit hindi dapat mawala sa pokus ng publiko ang pinakamahalagang bagay: ang katotohanan at ang ebidensyang ihaharap sa impeachment court,” aniya.
“Sa huli, hindi fake news ang magpapasya. Hindi social media trends. Hindi paninira sa mga prosecutor o testigo. Ang magpapasya ay ang mga katotohanang mapapatunayan sa ilalim ng wastong proseso,” pagtatapos ni Alonto Adiong.

