Calendar
Pinangunahan ni Batangas Rep. Gerville Luistro (kaliwa) ang pagbibigay sa updates ng pre-trial impeachment nitong Hunyo 22, 2026 sa Senado.
Kasama niya sina Rep. Jose Manuel Diokno ng Akbayan Party-list,Rep. Leila de Lima ng Mamamayang Liberal Party-list Manila Rep. Joel R. Chua at Rep. Ramon Rodrigo Gutierrez ng 1-Rider Party-list.
Kuha ni JOSEPH MUEGO
Bantug itinangging nalampaso si Luistro sa VP Sara impeachment pre-trial
ITINANGGI ni impeachment court clerk Renato Bantug Jr. ang mga ulat na nalampaso umano ni Atty. Sheila Sison, lead defense counsel ni Vice President Sara Duterte, si House lead prosecutor Rep. Gerville “Jinky” Luistro sa unang pre-trial conference sa impeachment case.
Ginawa ang paglilinaw habang ipinagpatuloy ng Senate impeachment court ang ikalawang araw ng pre-trial conference, na bahagi ng paghahanda sa inaasahang formal trial.
Hinati ng Senate impeachment court sa tig-apat na grupo ang House prosecution panel at defense team ni Duterte upang mapabilis ang pre-trial process.
Sinabi ni Bantug na target ng Senado na matapos ang pre-trial conference upang maihanda ang pre-trial order na inaasahang mailalabas sa Huwebes, Hunyo 25.
Inaasahang ilalaman sa pre-trial order ang mga napagkasunduan ng dalawang panig at ang mga legal issue na kailangang ayusin bago magsimula ang formal trial.
Ayon sa ulat, dalawang articles of impeachment na lamang ang natitira para sa evidence marking. Kaugnay ito ng mga alegasyon tungkol sa confidential funds at umano’y hindi maipaliwanag na yaman.
Binuksan ang pre-trial conference noong Hunyo 18.
Inaasahang makatutulong ang proseso upang maisaayos ang presentation of evidence at matukoy ang mga bagay na hindi na kailangang pagtalunan sa formal trial.

