Calendar
Rep. Luistro umalma sa fake news
PINALAGAN ni Batangas Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro ang ikinakalat na “fake news” ng kampo ni Vice President Sara Z. Duterte sa social media at pinabulaanan ang mga maling impormasyon na dinomina ng defense team ni Duterte ang House prosecution panel sa mga ginanap na pagdinig sa impeachment pre-trial.
“Hindi po ‘yan totoo. Ituturing ko ‘yan na fake news,” pahayag ni Luistro.
Ito rin ang ibinigay na reaksiyon ni Luistro sa mga social media post at komentaryo na nagsasabing na nalamangan ng defense team ni Duterte ang House prosecution panel noong June 18 pre-trial conference sa harap ng Senate impeachment court.
Nakikiusap si Luistro sa publiko na maging maingat sa mga salaysay na kumakalat online habang umuusad ang proseso ng impeachment patungong paglilitis.
“Dapat maging napakaingat na ng mga tao ngayon sa panonood sa social media. Dapat tayong maging masuri sa pag-alam kung ano ang tama at kung ano ang mali,” anang mambabatas.
Sinabi pa ng kongresista na nananatili siyang mulat na kinakatawan ng prosecution panel ang interes ng mamamayang Pilipino sa mga pagdinig.
Gayundin ang naging pananaw ni House prosecution legal spokesperson at private prosecutor Benjamin Tolosa Jr. na nagtakwil sa naturang naratibo.
“Alam niyo, normal naman, siyempre, sa mga partido ang mag-claim na nakuha nila ang kalamangan sa anumang partikular na pagdinig. Pero para matugunan ‘yan nang wasto, manatili tayo sa mga katotohanan,” ani Tolosa.

