Calendar

Adiong pinagtanggol pagbaba ng krimen: Isang insidente hindi pwedeng magpabago ng katotohanan
IPINAGTANGGOL ni House Assistant Majority Leader at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong ang ulat ng Philippine National Police (PNP) na nagpapakita ng pagbaba ng bilang ng krimen sa bansa, at iginiit na hindi dapat gawing batayan ang isang insidente upang mabago ang opisyal na datos.
Ginawa ni Adiong ang pahayag matapos maiulat ang pagdukot at pagpatay sa isang negosyanteng Chinese na natagpuan ang bangkay kamakailan sa Rodriguez, Rizal.
Ayon sa ulat, ang biktima ay tinarget ng kidnap-for-ransom at may koneksyon sa iligal na operasyon ng Philippine offshore gaming operation o POGO.
“One incident cannot just overrun and overhaul the data gathered by the PNP,” ayon kay Adiong, chairman ng House ad hoc committee on Marawi rehabilitation and victims compensation, sa isinagawang press conference noong Huwebes.
“Kasi nagre-rely tayo based on the rate, crime rate as submitted by the PNP and all of the data we presume to be coming from the different PNP headquarters across the country,” dagdag pa ng kongresista.
“So I will stand by the rate, crime rate that has gone down as submitted by the PNP as something that is official. One incident cannot overhaul entirely the data, the official data that was collected by our different PNP post all over the country. And what it says is the crime rate has gone down,” saad pa ni Adiong.
Ayon kay PNP Chief Gen. Rommel Marbil, ipinapakita ng datos ang 26.76 porsiyentong pagbaba ng mga focus crimes — mula sa 4,817 kaso noong Enero 1 hanggang Pebrero 14, 2024, na naitala sa 3,528 kaso sa parehong panahon ngayong taon.
Ang focus crimes ay kinabibilangan ng pagnanakaw, panghoholdap, panggagahasa, pagpatay, homicide, physical injury at carnapping ng mga motorsiklo at sasakyan. Sa mga kasong ito, ang panggagahasa ang may pinakamalaking ibinaba, na higit sa 50 porsiyento.
Ipinapakita rin ng year-on-year data ang 7.31 porsiyentong pagbaba ng mga focus crimes, mula sa 41,717 kaso noong 2023, pababa sa 38,667 kaso ngayong 2024.
Nang tanungin tungkol sa epekto ng pagpatay sa negosyante, sinabi ni Adiong na hindi siya makapagbibigay ng komento ukol sa partikular na kaso dahil hindi pa niya nababasa ang mga detalyadong ulat.
“I’m sorry pero I cannot specifically comment on that specific incident involving specific Chinese tycoon because I haven’t heard of that incident,” saad nito.
Nang tanungin kung makakaapekto sa tiwala ng mga foreign investor ang pagpatay, sinabi ni Adiong na ang mga positibong indikasyon ng ekonomiya ay patuloy na nagpapalakas ng tiwala sa bansa.
“The inflation rate has gone down. It’s 1.8 percent na ngayon,” aniya.
“Our credit rating in the international community is very stable and we have gathered the confidence of our international partners as far as our credit rating is concerned,” ayon pa kay Adiong.
“I don’t see any reason why one incident would try to just simply dispel all of these achievements and progress that we have attained insofar as the issue of international investment is concerned,” dagdag pa ng mambabatas mula sa Mindanao.
Iginiit ni Adiong ang kahalagahan ng tamang proseso at agarang aksyon mula sa mga otoridad.
“Again, if that is the case, I believe that person deserves justice. So, I personally would like to call on the PNP to do a thorough investigation on this,” ayon pa kay Adiong.