Calendar

Adiong sa pro-China vloggers: Di sila karapat-dapat tawaging Filipino
MARIING kinondena ni House ad hoc committee on Marawi rehabilitation and victims compensation chairman Zia Alonto Adiong, kinatawan ng Lanao del Sur, ang pagdami ng mga Filipino vloggers na sumusunod sa kasinungalingang ipinapakalat ng China sa isyu ng West Philippine Sea (WPS).
Ayon kay Adiong, na isa ring House Assistant Majority Leader, ang mga social media personalities na ito ay mga traydor at hindi karapat-dapat tawaging mga Pilipino.
“Ito ay hindi lang fake news eh, ito’y agarang pagtataksil sa ating bansa. It’s so disturbing that there are Filipino vloggers who support the false narrative of China to claim ownership, portion of our seas. To me, it’s not only betrayal, or pagiging traydor sa kanyang bansa. This is dismantling of our sovereignty one post at a time,” giit ni Adiong.
“So para sa akin, just to be candid about it, pagtataksil at hindi siya karapat-dapat na tawaging Filipino. So it’s really disturbing that some of our Filipino kababayan are even pursuing the narrative of China,” ayon pa sa kongresista.
Sinabi ni Adiong na nakakalimutan ng mga pro-China vloggers na ang mga Pilipino ang naaapektuhan ng agresyon at panggigipit ng Beijing sa WPS.
“Remember kung ikaw ay isang Filipino naniniwala sa integridad at soberenya ng Pilipinas, hindi lang kasi ‘yung isyu ng teritoryo ang pinaguusapan dito. ‘Yung mga harassment na ginagawa sa ating most vulnerable sector in our community, mga fishermen, tingnan n’yo ‘yung mga nangyayari sa kanila doon,” dagdag pa ni Adiong.
“Maski iyon lang ang maging konsiderasyon mo para magkaroon ng ganoong paniniwala na dapat talaga hindi suportahan kung anoman ‘yung naratibo ng China. You forget about national security, just be a Filipino. Kawawa ‘yung mga nangyayari sa ating mga fishermen d’yan sa area ng West Philippines Sea. Iyon man lang, I think that would be enough for a Filipino to say hindi dapat maging supportive doon sa naratibo ng China sa pag-angkin nila dito sa West Philippine Sea,” giit pa ng mambabatas.
Nanawagan si Adiong sa mga awtoridad na papanagutin ang mga Filipino vloggers na pro-China sa kanilang mga ginawa.
“May mga batas naman tayo na naka in place, [like the] Anti-Sedition Act. There are a lot of ways in order to make a kababayan accountable for supporting a foreign claim which is diametrically opposed to our national interest…I’m sure ‘yung legal way on how to make them accountable, meron naman tayong mga batas na nandiyan,” wika ni Adiong.
Ayon kay Adiong, wala namang problema kung ang isang tao ay nagbabahagi lamang ng opinyon ukol sa mga nangyayari sa WPS.
“But if your opinion is diametrically opposed to our territorial claim over this, then that becomes an issue of national security concern,” aniya.
Sa ginanap na pagdinig ng House tri-committee noong Martes, sinabi ng mga opisyal ng Meta, dating Facebook, na inaksyunan nila ang post ni blogger Mark Lopez na mali ang impormasyon.
Ang post ay nagsasabing gumamit ang Pilipinas ng water cannons laban sa China Coast Guard sa WPS.
Napag-alaman ng fact-checker ng Meta na VERA Files na mali ang post, kaya naglabas ang Meta ng paglilinaw o pagwawasto.
Si Lopez ay isa sa apat na vloggers na na-contempt at ipinag-utos ng tri-comm na madetine sa Kamara sa loob ng 10 araw.