Cebu

Aftershocks sa Cebu maaari pa sa susunod na linggo, buwan

422 Views

MAAARING maranasan sa susunod pang mga linggo at buwan ang mga aftershocks ng lindol kasunod ng pagyanig ng 6.9 magnitude sa Cebu City, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) nitong Biyernes.

Umabot na sa mahigit 4, 000 aftershocks ang naitala matapos ang magnitude 6.9 na lindol sa Bogo City, Cebu.

Ayon sa Phivolcs, alas-12 ng tanghali nitong Biyernes (October 3), nakapagtala na sila ng 4,161 aftershocks.

Sa naturang bilang ng mga aftershocks, 21 dito ay nasa magnitude 1.0 hanggang 5.1 magnitude.

Sinabi ni Dr. Teresito Bacolcol , director ng Phivoilcs, asahan pa ang mga mararanasang aftershocks sa mga susunod na araw.

Samantala, kinumpirma ng mga awtoridad sa lalawigan na umabot na nasa 73 ang bilang ng mga nasawi sa lindol habang nasa P3 bilyon na ang pinsala sa imprastraktura sa ikaapat na distrito ng Cebu.

Naitala ang malaking pinsala sa imprastraktura sa Bogo at sa mga bayan ng Bantayan, Daanbantayan, Madridejos, Medellin, San Remigio, Santa Fe, Tabogon, at Tabuelan.