"Tito" Sotto Dating Senate President Vicente “Tito” Sotto

Agrikultura, food securit bida sa ‘Alyansa’

Mar Rodriguez Mar 1, 2025
13 Views

IBINIDA ng mga kandidato ng administrasyong Alyansa Para sa Bagong Pilipinas ang kanilang mga plano para palakasin ang sektor ng agrikultura, pababain ang presyo ng pagkain at tiyakin ang kasapatan ng suplay ng pagkain sa bansa.

Sa isang press conference sa San Jose del Monte, Bulacan, inilahad ni dating Senate President Vicente “Tito” Sotto ang kanyang panukala na bilhin ng gobyerno ang 50 porsiyento ng ani ng mga magsasaka at mangingisda sa farmgate price.

“Sapul na sapul ‘yon sa number one programa namin pagdating sa food security. Government must buy 50 percent of all the outputs of all farmers and fisherfolk in the country at their farmgate price. Doon, kahit sinong magsasaka ang kausapin mo ‘pag sinabi mo ‘yan hindi maaaring hindi matuwa. Pinag-aralan namin ‘yan,” sabi ni Sotto.

Samantala, iginiit naman ni dating Senador Panfilo “Ping” Lacson ang pagbuwag sa mga middleman na nagpapataas umano ng presyo ng pagkain.

“Mag-eliminate tayo ng katakot-takot na middlemen. Kikita ng maganda ‘yung farmers at saka ‘yung fisherfolk, at the same time bababa ‘yung presyo [ng bilihin],” ani Lacson.

Para naman kay dating Senador Manny Pacquiao, dapat i-regulate ng gobyerno ang distribusyon ng pagkain upang maiwasan ang manipulasyon sa presyo.

“Kailangan talaga ma-manage nang husto ‘yung agriculture, ‘yung mga basic commodities na araw-araw na pangangailangan ng tao dahil ang nakikinabang halos diyan ‘yong mga middleman.

Dapat i-regulate ng ating gobyerno ‘yung pag-release ng basic commodities sa market at dapat bibilihin ng gobyerno. Magkakaroon ng concrete program ang ating government na bilhin ‘yong mga products ng mga farmers para hindi sila mag-worry at ma-encourage pa sila,” ani Pacquiao.

Samantala, isinulong ni dating Interior Secretary Benhur Abalos ang papel ng mga lokal na pamahalaan sa pagbili ng produkto ng mga magsasaka. Binanggit niya ang kanyang karanasan bilang mayor ng Mandaluyong kung saan direktang binili ng lungsod ang ani ng mga magsasakang nasalanta ng tagtuyot sa Nueva Ecija.

“Imagine if that kind of a market the whole local government units (LGUs) would be doing these things ‘no? May ready market ka na agad for the farmers. Direkta na at hindi lang ‘yun, ‘yung mismong puhunan galing na sa LGU itself,” sabi ni Abalos.

Dagdag pa niya, dapat maglaan ng pondo ang gobyerno para sa puhunan at mas murang crop insurance para sa mga magsasaka.

Samantala, binigyang-diin ni Makati Mayor Abby Binay ang kahalagahan ng patubig sa pagpapalakas ng agrikultura.

“I think you also need to put more money on our irrigation because based on the information from the Secretary of Agriculture we have over a million hectares of flat land that still need irrigation,” ani Binay.

“Imagine the potential of those lands for us to achieve food security and not rely on importation of food. Mukhang kulang na kulang ang suporta na naibibigay natin lalong-lalo na sa NIA (National

Irrigation Administration) on top of other things na ‘yung kulang natin sa post-harvest, ‘yung cold storage para sa ating mga farmers. Pero siguro umpisahan natin sa pinaka-basic which is irrigation. We should put more money on irrigation,” dagdag niya.

Samantala, binigyang-diin naman ni Senador Francis “Tol” Tolentino ang pangangailangang gawing mas propesyonal ang agrikultura upang mahikayat ang mas maraming kabataan na pasukin ang sektor na ito.

“During the previous Congress, we just passed a law elevating the status of agriculturist into a higher level of profession. They will be certified, they will be licensed, exams will be supervised by the PRC (Professional Regulation Commission),” ani Tolentino.

‘Di ba ‘pag abogado LLB ang nakalagay sa dulo; ‘pag doktor, MD. Dapat mayroon din ‘yung mga agriculturist,” dagdag pa niya.

Isinulong din niya ang corporate farming upang matiyak ang sapat na suplay ng pagkain at mabawasan ang hoarding.

Sa kabilang banda, iginiit ni House Deputy Speaker Camille Villar ang mas mahigpit na pagpapatupad ng mga umiiral na batas upang mapigilan ang economic sabotage.

“Tama talaga ‘yung sinasabi ng colleagues ko. Na for us to stabilize the prices of goods in the country, una, for the short term kailangan talagang may subsidies at tulong ng gobyerno katulad ng mga declarations ng food emergency in order to reduce the price,” aniya.

“But that’s a short-term solution and it’s not sustainable. So, another way to control the prices in the long term is to implement properly ‘yung mga batas na mayroon tayo katulad ng anti-economic sabotage law that has stiffer penalties against rice traders, middlemen for profiteering. Kasi wala pa po tayong napo-prosecute,” dagdag niya.