HON

Aktres at Pola Mayor Ina Alegre may ipinagmamalaki

Eugene Asis Mar 2, 2022
358 Views

may1NAPAIYAK ang aktres na si Ina Alegre pagkatapos ng premiere night ng pelikulang ’40 Days’ na ginanap sa Pola Municipal Gym sa Pola, Oriental Mindoro. Ang pangunahing bituin ng naturang pelikula ay kilala rin bilang Mayor Jennifer M. Cruz sa naturang bayan.

“Ngayon lang nangyari ito,” ayon kay Mayor Ina, o Mayor Cruz. “Salamat sa mga artista, movie writers, editors and TV people na nagpaunlak sa aming paanyaya na dumalo sa premiere night namin, kahit napakalayo ng aming bayan.”

Halos anim na oras ang biyahe papuntang Pola (dalawang oras ang land trip mula Maynila hanggang Batangas City, dalawang oras sa dagat papuntang Calapan via ro-ro, at halos dalawang oras din papuntang Pola mula Calapan), pero sulit ang lahat ng pagod kapag nakita ng mga bagong dating ang naturang bayan.

Sulit din ang panonood namin ng pelikulang ’40 Days’ na dinirek at sinulat ni Neal ‘Buboy’ Tan. Bukod sa husay ng pagkakaganap ni Mayor Ina, gayundin ng mga kasama niya sa pelikula tulad nina James Blanco, Michelle Vito, award-winning indie actress na si Cataleya Surio, at ng You Tube sensation na si Mygz Molino, maganda ang mensahe nito. Positibo ang pagkakalarawan sa mga Pilipino, hindi katulad sa ibang pelikulang pilit na ginagawang dark ang imahe ng Pilipinas upang magkaroon ng impact sa manonood, lalo na sa foreign audience.

Kasama rin ang kabuuan ng pelikula (lalo na ang ending) sa mga dahilan kung bakit naiyak si Mayor Ina.

May negosasyon na ang kanilang grupo upang maipalabas ito sa ibang bansa, gayundin sa streaming platform na Netflix. Tatapusin lamang ni Mayor Ina ang eleksyon, at pag-uusapan na nila ang bagong gagawing pelikula.

Ani Mayor Ina sa kanyang speech: “May mga kalaban po tayo na nagtatanong kung bakit puro pelikula ang ginagawa namin dito. Hindi po. Bukod po sa napakaraming nagsi-shooting ng pelikula rito, makikita naman ng mga tao ang iba pa nating ginagawa para sa bayan, mula sa mga bagong infrastructures, pangangalaga sa mga tao sa panahon ng pandemic, pagsasaayos ng mga batas na makakatulong sa mamamayan, nagiging malakas na hatak sa turismo ang mga pelikula na ginagawa rito.”

Bukod sa unang pelikula nina Coco Martin at Julia Montes, ginawa rin sa Pola ang ‘Bahay na Pula’ ng Vivamax ng batikang direktor na si Brillante Mendoza.

Kampante pero hindi tumitigil si Mayor Ina (na isang beauty queen, modelo at aktres bago pumalaot sa pulitika) para sa kanyang bayan. “Mga tao na po sa bayan ng Pola ang makapagsasabi kung ano ang nagawa rito ng kanilang INA.”