Calendar
Alcohol mas delikado pa kumpara sa medical marijuana — Alvarez
BINIGYANG DIIN ngayon ni Davao del Norte 1st Dist. Congressman at dating House Speaker Pantaleon D. Alvarez na mas delikado pa ang pagkonsumo ng nakakalasing na inumin tulad ng “alcohol” kumpara sa “cannabis” o marijuana na maaaring gamitin bilang medesina o lunas sa iba’t-ibang karamdaman.
Ito ang paglilinaw ni Alvarez, matapos simulan ng House Committee on Dangerous Drugs, na pinamumunuan ni Surigao del Norte 2nd Dist. Congressman Robert Ace Barbers, ang pagdinig nito kaugnay sa kaniyang panukalang batas para gawing legal ang cannabis na tinaguriang “medical marijuana”.
Ipinaliwanag ni Alvarez na hindi na mabibilang sa daliri ang napakaraming aksidente na kinasangkutan ng ilang indibiduwal na lango sa alak. Bukod pa dito ang mga krimen at karahasan na kinasasangkutan din ng mga tao na dahil sa sobrang kalasingan ay nakagawa ng isang karumal-dumal na bagay.
Inihalimbawa din ni Alvarez ang kaso naman ng sobrang pagkalulong sa paninigarilyo at iba pang tobacco products kung saan, maraming indibiduwal ang nagka-sakit ng cancer na isang pagpapatunay lamang aniya na wala silang nakukuhang “health benefits” mula sa bisyong ito.
Gayunman, sinabi ng kongresista na sa kabila ng peligrong ibinibigay ng alak at sigarilyo sa kalusugan ng mga tao. Nagpapatuloy parin ang produksiyon at pagbebenta nito na pinahihintulutan ng pamahalaan.
Ayon kay Alvarez, mas nagiging bayolente at mapusok umano ang mga taong umiinom ng alkohol dahil hindi na nila nako-kontrol ang kanilang mga sarili. Samantalang ang mga nakaka-hitit naman ng cannabis o marijuana ay nagiging tahimik lamang. Subalit ito ang itinuturing na illegal.
“I remember a story told by a colleague. He said, put a bunch of strangers in two rooms. The first one, give them alcohol. You can bet that there’s going to be a brawl and people will get hurt. In the second room, give them cannabis. Everyone inside will al be calm and at peace, all of them will be friends,” sabi ni Alvarez.
Dahil dito, iginigiit ni Alvarez na kailangang tanggalin na mula sa listahan ng illegal drugs at substance ang cannabis o marijuana na maaaring maggamit bilang “medicinal use” partikular na sa mga Pilipinong ginugupo ng iba’t-ibang malalang karamdaman tulad ng cancer.
Sinabi pa ng mambabatas na hindi dapat tignan ang cannabis o medicinal marijuana bilang problema. Bagkos ay sagot o solusyon sa isang problema. Tulad ng karamdaman na inaasahang malulunasan sa pamamagitan nito.
“Cannabis should not be viewed as a problem. Cannabis should be part of the solution,” sabi pa ni Alvarez.
Layunin ng panukalang batas ni Alvarez (House Bill No. 6783) na tanggalin mula sa listahan ng illegal drugs at substance ang cannabis o marijuana. Kung saan, ang pagkakaalis nito sa nasabing listahan ang magbibigay daan upang maging legal ang paggamit nito para sa “medicinal use”.
Gayunman, Barbers na ang pagsasa-legal ng cannabis o marijuana ay para lamang sa “medicinal use” nito at hinding-hindi pahihintulutan na magamit ito para sa isang “recreational use”.
“It is about time that we look at the positive side of the substance. If there is a good side to it. Then by all means we should consider it, look at the substance amphetamine. A major component of shabu, it is critical component or ingredient of many medicines now beong consumed worldwide,” paliwanag ni Barbers.