Phivolcs

Alerto sa Bulkang Bulusan itinaas sa Level 1

183 Views

ITINAAS ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) sa Level 1 ang alerto sa Bulkang Bulusan ngayong Hunyo 5 matapos itong magkaroon ng phreatic eruption.

Ayon sa PHIVOLCS nagkaroon ng phreatic eruption sa Bulusan alas-10:37 ng umaga. Tumatagal umano ang pagsabog ng 17 minuto.

Hindi naman masyadong nakita ang pagsabog dahil sa makapal na ulap sa bunganga ng bulkan.

May naitala ring ash fall sa Juban at Casiguran, Sorsogon.

Bago ang pagsabog ay nakapagtala ang Bulusan Volcano Network (BVN) ng 77 volcanic earthquake sa nakalipas na 24-oras.

Ang pagtataas ng Alert Level 1 (Low level unrest) ay nangangahulugan na ang bulkan ay nasa abnormal condition.

Ipinaalala ng PHIVOLCS sa lokal na pamahalaan at sa publiko na ipinagbabawal ang pagpasok sa 4-kilometer radius Permanent Danger Zone (PDZ) dahil sa posibilidad ng pagkakaroon ng phreatic eruptions.

Ang civil aviation authority ay pinaalalahanan din na magbigay babala sa mga piloto na iwasan ang bukana ng bulkan.