Adiong4

AML Adiong umaasang maibabalik agad labi ng 2 OFW na nasawi sa Myanmar

28 Views

ISANG pinuno ng Kamara ang nagpahayag ng kanyang pakikiramay sa mga pamilya ng dalawang overseas Filipino workers (OFWs) na nasawi sa malakas na lindol na yumanig sa Myanmar kamakailan.

“Unang-una po, tayo po ay nakikiramay sa pamilya po ng mga nasawi sa lindol na nangyari sa Myanmar,” sabi ni House Assistant Majority Leader Zia Alonto Adiong sa isang press conference nitong Huwebes.

Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang mga nasawi at sinabing isinasagawa na ang mga hakbang para maiuwi sa bansa ang kanilang mga labi.

Si Adiong, na kinatawan ng Unang Distrito ng Lanao del Sur, ay nagpahayag ng tiwala sa ginagawa ng DFA.

“I’m sure the DFA is doing its level best to provide assistance and support to ‘yung naging biktima, as well as provide assistance to the family kung anuman ‘yung kailangan ng ating mga kababayan,” aniya.

Dagdag pa niya, nakikipag-ugnayan ang DFA sa mga awtoridad sa Myanmar upang matiyak na makarating ang tulong sa mga apektadong Pilipino, lalo na sa mga pamilya ng mga nasawi sa lindol noong Marso 28.

Nagpahayag din si Adiong ng pag-asa na agad maibabalik sa Pilipinas ang mga labi ng mga biktima.

“So I pray that they [are] transported back home so that makakasama man lang nila ang kanilang mahal sa buhay,” aniya.