bro marianito

Ang aking naging buhay bago pa man ako tinawag ng panginoong diyos para mag silbi sa kanya

445 Views

BILANG paggunita sa Mahal na Araw, hayaan ninyong ibahagi ko ang aking naging buhay bago pa man ako tinawag ng ating Panginoong Jesus para maglingkod sa kaniya. Nawa’y magsilbing inspirasyon sana ang aking buhay para sa iba para makilala at matagpuan din nila ang ating Panginoon. Narito ang aking kuwento.

Ang lahat ay tinawag ng Panginoong Diyos para maglingkod sa kaniya. Bago pa man siya mapabilang sa kawan ni Jesus tulad ng isang “nawawalang tupa” ang kaniyang nakalipas na pamumuhay o dating buhay ay tigib ng kapaitan at masalimuot na pangyayari. Sa madaling salita, siya ay namumuhay sa kasalanan.

Ngunit minsan, ang nagtutulak sa isang tao upang yakapin ang pagbabagong buhay ay sa pamamagitan ng kaniyang pagsisisi sa lahat ng kaniyang mga naging kasalanan at nagawang pagkakamali sa buhay. Ang kaniyang pagkakasala ang umpisa ng kaniyang pagbabalik loob sa Panginoon.

Ito ang tinatawag na “conversion” o ang pagbabagong buhay at pagbabalok loob ng isang tao. Katulad sa naging karanasan ni San Pablo na kilala rin bilang Saulo (Gawa 9:1-18) isang dating makasalanan at mahigpit na tagapag-usig ng Kristiyanismo o mga taong nananampalataya kay Jesus.

Subalit siya ay tinawag ni Jesus para mapabilang sa kaniyang mga Alagad. Ang dating taga-usig na si Saulo (San Pablo) ay naging isa sa mga tagapag-palaganap ng Salita ng Diyos at saksi sa kabutihang loob ng ating Panginoong Jesus.

“Natumba si Saulo sa lupa at narinig niya ang isang tinig na nagsabing “Saulo, Saulo, bakit mo ako inuusig?” Sino kayo Panginoon? Tanong niya, “Ako’y si Jesus, ang iyong inuusig, tugon sa kanya. Tumayo ka at pumasok ka sa lunsod at doo’y sasabihin ko sa iyo kung ano ang dapat mong gawin”. (Gawa 9:4-6)

Hindi maituturing na matuwid ang lahat ng Disipulo ni Jesus bago pa man sila tinawag ng ating Panginoon para ipalaganap ang Mabuting Balita sa mga tao (Lucas 12:12-16). Si Simeon Pedro ay mapusok (Juan 18-10-11), ang magkapatid na Santiago at Juan ay mga ambisyoso (Mark 10:35-45), si Thomas ay nagdududa o nag-aalinlangan (Juan 20:24-29) at si Judas Iscariote ay isang taksil. (Mateo 26:14-16)

Ganito ang aking naging buhay bilang isang dati rin makasalanan, bago pa man ako tinawag ng ating Panginoong Jesus para magsilbi sa kaniya bilang isang Lay Minister, Dominican Laity at mag-aaral ng Preaching sa Institute of Preaching (IP). Dati ako nasasadlak sa iba’t-ibang kasalanan.

Dati akong namumuhay sa immoralidad (babaero), palamura (Lahat ng klase ng maruruming salita ay lumalabas sa aking bibig), magagalitin, lasenggero at ubod ng sinungaling. Gayunman, ipinagpapatuloy ko pa rin ang aking obligasyon bilang isang Katoliko. Ngunit hindi maaaring pagsamahin ang kasalanan at kabutihan.

Sapagkat sinabi mismo ni Jesus na hindi lahat ng tumatawag sa kaniya ng Panginoon, Panginoon ay makakapasok sa Kaharian ng Diyos. Kundi iyon lamang mga taong sumusunod sa kalooban ng kaniyang Amang nasa Langit. (Mateo 7:21)

Ako’y nagpatuloy sa aking masamang gawain. Sapagkat ang paliwanag ko sa aking sarili ay dapat natin lasapin ang maginhawang buhay habang tayo ay humihinga pa. Subalit dumating na sa sukdulan ang aking pagiging makasalanan.

Nagkaroon ng matinding suliranin sa aking pamilya, dumating sa puntong hindi ko na ito makayanan at naiisip kong tapusin na ang problema sa pamamagitan ng “pagpapatiwakal”. Sabi ko sa sarili, ito ang solusyon para matapos ang problemang ito.

Pinag-iisipan ko na lamang kung sa paanong pamamaraan ko tatapusin ang aking buhay. Ako ba’y iinom ng lason, magbibigti, magsasaksak sa sarili o kaya naman ay iinom ng maraming gamot hanggang sa ako’y ma-overdose.

Ngunit biglang sumagi sa aking isip ang aking pinakamamahal na anak na babae (Dahil mahal na mahal ko ang anak kong babae, siya ang aking buhay), nasabi ko sa aking sarili, “Ano ang mangyayari sa anak ko kung sakaling mawala ako? “Kaya idinaan ko na lamang sa paglalaseng o pag-iinom gabi-gabi para lunurin ang bigat sa aking dibdib.

Hanggang sa halos hindi ko na talaga makayanan. Kaya isang gabi, ako’y nagpunta sa Santo Domingo Church sa Quezon City. Hindi ko maintidihan kung ano ang nagtulak sa akin para magpunta sa lugar na iyon at pumasok sa loob ng Simbahan. Halos parang pinapaso nga ang puwit ko sa tuwing ako’y magsisimba at naiinip sa tuwing ako’y pumapasok ng Simbahan.

Nagsisimba man ako linggo-linggo, pero parang wala sa loob ko. Lumilipad ang aking utak at kung ano-ano ang mga naiisp ko habang nasa Misa. Nagsisimba at nagdarasal man ako pero wala sa loob ko ang aking ginagawa. Masyadong malabnaw ang aking pananalig sa Diyos.

Ang katulad ko’y ang binhi na nalaglag sa may batuhan. Nakikinig ako sa Salita ng Diyos sa Misa. Subalit dumarating ang kasalanan at ito’y inaagaw sa akin kaya ang Salita ng Diyos ay hindi namumunga at yumayabong sa aking buhay. (Marcos 4:16)

Lumakad ako sa gitna ng altar ng Simbahan hanggang sa ako’y umabot sa kalahati nito. Naramdaman ko na lamang at tumiklop ang aking mga tuhod at napaluhod. Kasunod ng isang malakas na hagulgol, umiiyak at biglang namutawi sa aking mga labi ang mga salitang ito. Habang nakatuon ang mga mata ko sa Krus na nasa harapan ng altar.

“Panginoon, ngayon ko po napag-isip isip na napakalaki pala ng pagkukulang at kasalanan ko sa’yo. Sorry po, sorry po Panginoon, Panginoon sana bigyan mo pa sana ako ng isa pang pagkakataon. Hindi ko na po kaya ang nangyayari sa aking pamilya, patawarin mo po ako sa lahat ng aking kasalanan. Diyos ko! Sorry ko, patawarin mo ako Panginoon, ipinapangako ko. Magbabalik loob na ako sayo! Ipinapangako ko! Hindi ako ulit gagawa ng kasalanan. I am sorry Lord, I’m very sorry Lord”.

Hindi ko na inalintana kung may nakakakita o nakatingin sa ginagawa ko. Para sa akin hindi na mahalaga iyon, sapakat ang mahalaga, naroroon ako sa lugar na iyon para hingin ang kapatawaran ni Jesus at magsisi sa lahat ng aking mga kasalanan.

MAY KARUGTONG….