bro marianito

Ang ating panalangin sa Diyos ay kailangan puno ng kababaang loob (MATEO 6:7-15)

790 Views

“Sa pananalangin ninyo’y huwag kayong gagamit ng maraming salitang walang kabuluhan. Gaya ng ginagawa ng mga Hentil, ang akala nila’y papakinggan sila ng Diyos dahil sa haba ng kanilang sinasabi. Huwag ninyo silang tutularan”. (Mateo 6:7-9)

MINSAN bigla kong naalala yung taong kakilala ko na wala nang ginawa kundi ang ibida ang kaniyang sarili. Yun bang lagi na lamang niyang ipinagyayabang ang mga nagawa niya.

Masyado niyang ibinibida ang kaniyang mga “achievements” na para bang siya na lamang ang pinaka-magaling at pinaka-mahusay sa lahat ng taong nabuhay dito sa ibabaw ng mundo.

Hindi ba’t nakakayamot? Maiibigan mo bang pakinggan ang kuwento ng isang taong walang ibinibida kundi ang kaniyang sarili? Para bang hindi uso sa kaniya ang salitang pagpapakumbaba o “humility”.

Marahil maging sa ating mga panalangin sa Panginoong Diyos, hindi siguro magandang pakinggan ang isang dasal na gumagamit ng napakaraming salita at wala naman kapararakan. Partikular na kung ang panalangin natin ay naglalaman ng ating kapalaluan.

Katulad ng isang kuwento sa Bibliya tungkol sa Talinghaga ng isang Pariseo at ng Maniningil ng Buwis (Mateo 18:9-14). Umakyat ang dalawang taong ito para manalangin sa Panginoon. Subalit ang Pariseo ay walang ginawa kundi ibida ang lahat ng kaniyang ginagawa. (Mt. 18:11-12)

“Tumayo ang Pariseo at nanalangin nang ganito tungkol sa kaniyang sarili. “O Diyos, nagpapasalamat ako sa inyo sapagkat hindi ako katulad ng iba na magnanakaw, mandaraya, mangangalunya o kaya’y katulad ng maniningil ng buwis na ito”. Dalawang beses akong nag-aayuno sa loob ng sanlinggo at nagbibigay rin ako ikasampung bahagi mula sa lahat ng aking kinikita.” (Mt. 18:11)

Habang ang maniningil ng buwis naman ay buong kababang loob niyang inaamin ang lahat ng kaniyang kasalanan sa harap ng Panginoon. Matapos niyang sabihin na isa siyang makasalanan at kababang loob niyang hinihingi ang pagpapatawad at habag ng Diyos.

Namutawi sa labi ng Maniningil ng Buwis ang mga salitang ito. “O Diyos, mahabag po kayo sa akin na isang makasalanan”. (Mt. 18:13) na isang tanda ng kaniyang pagpapakababa sa harap ng Panginoon.

Kaya pinapa-alalahanan tayo ngayon ng Ebanghelyo (Mateo 6:7-15) na kapag tayo ay mananalangin sa ating Panginoong Diyos ay kailangan natin tiyakin na ang ating mga dasal ay naglalaman ng kababang loob at pagsisisi sa ating mga kasalanan.

Hindi natin kailangang gumamit ng napakaraming salita na walang naman kabuluhan tulad ng ginagawa ng mga Hentil ayon sa Pagbasa. Alam na ng Diyos ang laman ng ating mga panalangin bago pa man natin ibuka ang ating mga labi.

Ang ating pagdarasal sa Panginoon ay isang uri ng komunikasyon sa kaniya. Ito ang ating linya upang maiparating natin sa Diyos ang lahat ng nilalaman ng ating mga puso.

Wala tayong maililihim at maitatago, sapagkat batid ng Diyos at nababasa niya ang laman ng utak natin. Kung ang ating pananalangin ay sinsero o isa lamang huwad. Gaya ng pagpapanggap at pagyayabang, katulad ng Hentil sa Talinghaga.

Kaya itinuro sa atin ng Panginoong Hesus ang tamang pamamaraan ng pananalangin at hindi natin dapat tularan ang estilo ng mga Pariseo. Dahil alam na ng ating Amang nasa Langit ang ating kailangan bago pa natin ito hilingin sa kaniya (Mt. 6:8)

Ang pinakamahalaga sa ating pagdarasal ay ang ating pagpapakumbaba o ang ating kababang loob. Pag-aralan at alamin natin mabuti ang kahulugan ng salitang “humility” dahil itinuro ni Hesus sa atin ang pagdarasal ng “Ama Namin”. (Mt. 6:9-13)

“At patawarin mo kami sa aming mga kasalanan. Tulad ng pagpapatawad namin sa mga nagkakasala sa amin”. (Mt. 6:12)

Hindi lamang naglalaman ng kababaang loob o “humility” ang ating pananalangin sa Panginoong Diyos. Mahalaga rin ang pagpapatawad sa mga taong nagkasala sa atin. Bago natin hingiin ang kapatawaran mismo ng Diyos para sa ating mga kasalanan.

AMEN

Inaanyayahan ko po kayo sa aking Radio Program na “ANG TINAPAY NG BUHAY” tuwing Sabado mula 8:00 hanggang 9:00 ng Umaga. Mapapakinggan sa 103.9 DWRB News FM Ang Himpilang Ikaw ang Una at mapapanood naman sa kanilang Facebook Page.

Maraming Salamat po God Bless.