Hazel Mascariñas

Ang katotohanan ukol sa Estate tax

338 Views

UMALINGAWNGAW sa mga balita sa telebisyon maging sa mga usap-usapan sa social media ang isyu patungkol sa diumano’y pananagutan ng pamilya Marcos na bayaran ang tumatagingting na P23 billion na estate tax mula noong 1997. Kung susumahin, ito ay di maipagkakailang napakalaking halaga. Subalit hindi pa riyan natatapos ang bilangan. Ayon sa ibang ulat na kumakalat, ang bayarin umano ng pamilya Marcos ay lumobo na sa P203 billion sa taong 2021.

Sa usapin ng batas at legalidad, delikado ang mag dunung-dunungan. Ayon nga kay presidential frontrunner Bongbong Marcos, masyado nang maraming lumalaganap na fake news at hayaan na natin sa mga abogado, ang mga eksperto ukol sa usaping ito, ang pagtalakay sa kanilang kaso.

Ano nga ba ang katotohanan ukol sa estate tax ayon sa ating batas?

Kabila-kabila ang legal na opinion sa usaping buwis sa mga ari-arian ng ama ni Bongbong Marcos. Kahit mga eksperto ay nagtatalo-talo tungkol sa isyung ito.

Ayon sa panayam kay Atty. Ferdinand Topacio, na isang eksperto sa batas, hindi maaring singilin dito ang naiwang pamilya ng dating Presidente Ferdinand Marcos.

‘Ang estate tax po ay hindi sinisingil doon sa mga namatay. At ito po ay hindi sinisingil sa property. Ito po ay tax for the privilege of inheriting property. Opo maliwanag po ‘yan. At yung sinasabi po nilang magbayad ng P203 billion o kung anoman yung computation nila ay yan po ay maling-mali,’ ani Atty. Topacio.

Ipinaliwanag din ni Topacio ang dahilan kung bakit hindi pananagutan ng pamilya Marcos na bayaran ang pagtutuos ng BIR sa mga ari-ariang diumanoy “ill-gotten.”

“Opo, tama po yun sapagkat meron po tayong provision ng forfeiture sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act. Ano po ang ibig sabihin noong forfeiture? Ibig pong sabihin noon na yung mga ari-arian na mapapatunayan na ill-gotten wealth… ito po ay sobra-sobra sa lehitimong income o kita ng isang public official ay kukunin ng gobyerno. Bakit po kinukuha ng gobyerno ito? Sapagkat under the law po kung iyan ay mapapatunayan na ill-gotten wealth hindi po pag-aari ‘yan noong tao. Ngayon, kung sinasabi nilang ari-ariang yan ay hindi pag-aari ni dating Pangulong Marcos eh yan ay bunga ng kaniyang mga anomalya eh yan ay dapat po finorfeit yan. Bakit po hinayaang manahin ng kanyang mga naulila,” paliwanag ni Topacio.

Pagsalungat naman ni Atty. Mickey Ingles, saklaw ng estate tax ang lahat ng ari-arian, legal man o illegal. Ayon pa sa kaniya, walang pagkakaiba pagdating sa buwis sa ari-arian. Sinabi ng abogado na saklaw nito ang lahat ng ari-arian kahit saang bansa pa ito nakuha.

Ayon naman sa tagapagsalita ng kampo ni Bongbong Marcos na si Vic Rodriguez, ang isyu sa pananagutan sa estate tax ng pamilya Marcos ay ginagamit lamang sa pagpupulitika kaugnay ng paparating na halalan laban sa kandidato sa pagkapangulo at dating senador na si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Kung maaalala, mismong ang kampo ni Manila Mayor Isko Moreno ang nagpahayag na ang mga Marcos ay hindi pa nagbabayad ng P203 bilyong estate tax.

Wala pa ngang kaso na umaabot sa Korte Suprema kaugnay ng kasong ito. Ayon sa saligang batas at mga legal na konsepto, ang mga desisyon ng Korte Suprema, bilang pinakamataas na korte sa bansa, ukol sa mga kasong inihabla rito ang siyang dapat masunod at manaig. Hindi ang mga kuro-kuro ng mga keyboard warriors sa social media at maging mga opinyon ng mga abogado.

Hintayin na lamang natin ang magiging desisyon ng Korte Suprema. Kung tutuusin, ang mga pagtatalo sa social media ng mga taga-suporta at kumokontra sa kandidatura ni Bongbong Marcos ay wala namang magagawa. Wala naman itong mapapatunayan sa harap ng hukuman. Ni Hazel Mascariñas