bro marianito

Ang lahat ay tinatawag ng Diyos para magtrabaho sa kaniyang ubasan gaya ng pagtawag niya sa lahat para magbagong buhay (Mateo 20:1-6)

325 Views

BAGAMA’T nakasaad sa Bibliya na kawangis natin ang Diyos at itinuturo din sa atin na dapat nating tularan ang Panginoon sa pamamagitan ng paggawa ng kabutihan sa ating kapwa.
Minsan, hindi natin nagiging kalarawan ang Panginoong Diyos sapagkat magkaibang-magkaiba ang ating “standard” kumpara sa pamantayan ng Panginoon. Partikular na pagdating sa pakikitungo natin sa ating kapwa o ang pakikipag-kapwa tao natin.

Sa pamantayan ng isang tao, kung sino ang magaling magpalapad ng papel o “sipsip” iyon ang mas nabibigyan ng pagkakataon at oportunidad.

Samantalang ang mga taong walang kinakapitan o walang impluwensiya ay hindi naman masyadong napapansin.

Itinuturo sa atin ngayon ng Mabuting Balita (Mateo 20:1-16) na wala sa bokabularyo ng Panginoong Diyos ang salitang “palakasan” na inilalarawan ng “Talinghaga Tungkol sa May-ari ng Ubasan” dahil mababasa sa kuwento na pantay-pantay ang pagtingin ng Diyos sa lahat ng tao.

Inilalarawan sa kuwento ang tungkol sa isang taong lumabas nang maagang-maaga upang humanap ng manggagawa para sa kaniyang ubasan kung saan ay nagkasundo sila sa isang salaping pilak na ibabayad ng ma-ari sa mga nakuha niyang manggagawa. (Mateo 20:1-2)

Ang lahat ay binibigyan ng pagkakataon at pag-asa ng Diyos na ipinapakita ng Ebanghelyo. Katulad ng may-ari na binigyan din ng pagkakataon ang kaniyang mga tinawag na makapagtrabaho sa kaniyang ubasan. Kahit na ang mga lalaking huling tinatawag. (Mate 20:6-7) Pinahahalagahan lamang ng may-ari ng ang kapakanan ng mga taong nasa kaawa-awang kalagayan. Kaya kung ano ang kaniyang ibinigay sa mga unang nag-trabaho ay ganoon din ang kaniyang ibinigay sa mga nagtrabaho alas singko ng hapon. (Mateo 20:8-11)

Marahil ang iniisip ng may-ari ng ubasan na kung ang ibabayad nito sa mga manggagawang nagtrabaho alas singko ng hapon ay batay sa oras ng kanilang naging trabaho o per oras. Maaaring hindi sasapat ang kanilang kinita para makabili man lamang ng kanilang pagkain.

Kung kaya’t ipinantay niya ang kanilang kinita sa kinita ng mga manggagawang una niyang tinatawag (Mateo 20:10). Ganito ang pagtingin ng ating Panginoon para sa lahat ng kaniyang nilalang kahit pa ang kasuklam-suklam at talamak na makasalanan.

Mababasa din natin sa Ebanghelyo ang ipinakitang kasakiman ng mga manggagawang unang tinawag. Dahil nais nilang bayaran sila ng mag-ari ng higit sa kanilang napag-kasunduan. Ganiya din ang ilan sa atin, ang iniisip natin ay maka-lamang sa ating kapwa.

Ang lahat naman sa atin ay tinatawag ng Panginoong Diyos na mag-trabaho sa kaniyang ubasan katulad ng pagtawag niya sa lahat ng mga makasalanan
na magbalik-loob at magbagong buhay.

Nangangahulugan lamang ito na ayaw ng Diyos na magdusa sa impiyerno ang sinoman sa kaniyang mga anak kaya sinisikap niyang tawagin ang bawat isa sa atin upang pagdating ng panahon ay makapiling natin siya sa kaniyang kaharian.

Subalit gaya ng mga manggagawang nagre-reklamo sa kuwento (Mateo 20:12), may mga tao din na umaangal kapag nakikita nila na nabibigyan ng panibagong buhay at nagtatamo ng kapatawaran ang mga taong dating namumuhay sa kasalanan.

Kung binibigyan man ng pagkakataon ng Diyos ang mga masasamang tao na makapagbagong buhay, wala tayong karapatang kuwestiyonin ito katulad ng ipinakita ng mga manggagawa sa kuwento. Hindi natin maaaring panghimasukan at kuwestiyonin ang desisyon ng Diyos. Kung paiiralin ng Panginoon ang kaniyang “kamay na bakal” laban sa mga makasalanan, sa tingin niyo ba’y mayroong maliligtas sa atin? Kakaunti lamang ang maliligtas, “Everybody deserves a second chance because it’s never too late to change”.

Kaya ang paanyaya sa atin ng Pagbasa ay magpasalamat tayo sa pagkakataon at mga biyayang ipinagkakaloob sa atin ng Diyos. Huwag sana natin kainggitan ang mga taong nabibigyan din ng Diyos ng kahalintulad na pagkakataon.

Buksan natin ang ating puso’t isipan na ang Panginoong Diyos ay mahabagin kung kaya’t ganoon ang kaniyang pagtingin para sa mga taong makasalanan. Nawa’y ganoon din ang maging pagtingin natin para sa mga taong nakagawa sa atin ng kasalanan.