Bro. Marianito Agustin

Ang masamang sitwasyon sa ating buhay ang puno ng sikamoro para makilala natin ang Diyos (Lucas 19:1-10)

118 Views

jesus“Sinikap ni Zaqueo na makita si Jesus upang makilala kung sino ito. Ngunit sa dami ng tao, hindi niya ito makita dahil sa siya’y pandak. Kaya’t patakbo siyang nauna sa daanan ni Jesus at umakyat sa isang puno ng sikamoro”. (Lucas 19:3-4)

Minsan, may mga bagay ang humahadlang sa atin upang magawa natin ang isang layunin na para bang ito ang pumipigil sa atin. Gaya halimbawa ng gusto natin pumasok ng maaga sa ating opisina para magawa natin ang mga bagay na dapat natin gawin sa araw na iyon.

Subalit tila para bang may pumipigil o humahadlang sa atin para gawin natin ang ating gusto. Maaaring dito na papasok yung sitwasyon na bigla tayong magdadalawang isip sa nais nating gawin o kaya ay bigla na lamang tayong tatamarin at maiisip na mamaya na lamang tayo papasok sa ating opisina dahil may mga bagay ang kailangan natin unahin o gawin.

Sa panig naman ng mga estudyante, sa halip na unahin nila ang kanilang pag-aaral. Tila mayroon din pumipigil sa kanila at humahadlang para mag-pokus sila sa kanilang leksiyon sa eskuwelahan. Dito naman pumapasok ang paglalakwatsa, pakikipag-barkada at pagkahumaling sa mga gadgets at computer games.

Sa atin, ano ba ang mga bagay na pumipigil naman sa atin upang mapalapit at makilala natin ang Diyos? Ganito ang ating mababasa Mabuting Balita (Lucas 10:1-10) tungkol sa kuwento ni Zaqueo na pinuno ng mga maniningil ng buwis at napakayaman. (Lucas 10:2) na nagsikap makilala si Jesus ngunit may humahadlang din sa kaniya para magawa ang nais niya na naglalarawan sa dami ng mga tao sa kaniyang paligid.

Kaya ang ginawa ni Zaqueo na isang pandak ay umakyat siya sa puno ng sikamoro upang makilala niya ang Panginoon na kasalukuyang naglalakad sa kabayanan.

ANG HAMON NG EBANGHELYO: MAGING TULAD NI ZAQUEO:

Hinahamon tayo ngayon ng Pagbasa na kailangan din natin magdesisyon sa ating buhay kung papaano tayo makakahulagpos at makakawala sa mga bagay na humahadlang sa atin upang makilala din natin ang Panginoon gaya ni Zaqueo. Papayag na lang ba tayo na habang-buhay tayong magiging alipin ng masamang bisyo at iba pang uri ng kasalanan na pumipigil sa atin para tayo ay magbalik loob sa Diyos.

Sa pamamagitan ng puno ng sikamoro. Nakilala ni Zaqueo si Jesus. Maaaring matagal na niyang naririnig ang pangalan ni Jesus sapagkat noong mga panahong iyon ay putok na putok na ang pangalan ni Jesus sa iba’t-ibang lugar dahil sa ministeryo na kaniyang ginagawa. Siya’y nangangaral, nagpapagaling sa mga may-sakit at nagpapalayas ng mga masasamang espiritu.

Subalit hindi lamang magkaroon ng tamang pagkakataon si Zaqueo upang makikila niya ng personal ang ating Panginoon dahil nga sa mga bagay na humahadlang sa kaniya. Kaya ng marinig niyang naroroon si Jesus, ang puno ng sikamoro ang naging instrumento at ginamit na kasangkapan ng Diyos para tuluyang makilala ni Zaqueo ang Panginoong Jesus kasunod nito ang kaniyang pagbabalik loob.

“Pagtapat ni Jesus sa lugar na iyon. Tumingala siya kay Zaqueo at sinabi. “Zaqueo, bumaba ka agad sapagkat kailangan tumuloy ngayon sa iyong bahay”. (Lucas 19:5)

Ang pinakamahalagang punto ng Ebanghelyo ay ang pagsasabuhay ni Zaqueo kaniyang pananampalataya matapos nitong tanggapin at papasukin si Kristo sa kaniyang buhay. Sapagkat walang saysay ang kaniyang pagbabalik loob kung hindi naman niya kayang ipakita sa kaniyang kapwa ang kabutihang ipinagkaloob sa kaniya ng Panginoon.

“Tumayo si Zaqueo at sinabi niya kay Jesus. “Panginoon, ipamimigay ko po sa mga mahihirap ang kalahati ng aking mga kayamanan. At kung ako’y may nadayang sinoman. Isasauli ko ito sa kaniya ng maka-apat na beses”. (Lucas 19:8)

ANG PUNO NG SIKAMORO SA ATING BUHAY:

Minsan, ang mga masalimuot, pangit at masamang sitwasyon sa ating buhay ang maihahalintulad sa puno ng sikamoro na ginagamit na kasangkapan upang makilala din natin ang Diyos.

Maaaring gumagawa ng isang sitwasyon ang Diyos upang tuluyan tayong makahulagpos at makakawala sa mga bagay na humahadlang at pumipigil sa atin para magbalik loob tayo sa Diyos gaya sa kuwento ni Zaqueo.

Hindi natin aakalain na sa pamamagitan ng masamang sitwasyon na ito sa ating buhay. Dito pala natin matatagpuan ang Diyos at ating mapagtatanto na tinatawag din pala tayo ng Panginoon kagaya ng pagtawag ni Jesus kay Zaqueo.

Kaya huwag natin isipin na ang kasalukuyang hirap na pinagdadaanan ay isang kaparusahan sa atin ng Diyos dahil tayo ay makasalanan. Hindi, baka iyan ang nagsisilbing “puno ng sikamoro” upang ialis tayo ng ating Panginoon sa kasalanan. Hayaan lamang nating kumilos ang Diyos sa ating buhay. Ipaubaya lamang natin sa kaniya at siya ang gagawa ng paraan upang mabago ang ating buhay tulad ng ginawa niya kay Zaqueo na isa rin dating makasalanan subalit binago siya ng ating Panginoon.

May mga pagkakataon din na ang mga masamang sitwasyon na nangyari sa ating buhay ang nagsilbing puno ng sikamoro upang ipaalaala naman sa atin na medyo lumalamig na ang ating relasyon sa Diyos baka kailangan natin itong muling pag-alabin o kaya ay medyo nakakalimot na tayo sa ating mga obligasyon sa Panginoon dahil maraming bagay ang humahadlang sa atin dahil masyado tayong abala sa ating mga gawain.

Hindi naman iyan nangyari dahil pinaparusahan tayo ng Diyos. Pinapaalalahanan lamang tayo ng Panginoon na kailangan natin maghinay-hinay at maglaan naman ng kaunting oras para magpasalamat sa napakaraming blessings na tinatanggap natin mula sa Diyos.

Ang mga ganitong sitwasyon ay nangyayari hindi dahil nais tayong pasakitan ng Diyos. Kundi baka ginagamit lamang niya itong isang paraan upang lalo tayong mapalapit sa kaniya. Isipin natin na ang lahat ng bagay dito sa mundo ay may dahilan (may purpose). Iisa lang naman ang dahilan ng Panginoon kaya dumarating ang puno ng sikamoro sa ating buhay. Ito ay upang iligtas tayo sa kumunoy ng pagkakasala at maging alipin ng kasalanan.

Hindi mo matatagpuan ang Panginoon hangga’t walang puno ng sikamorong dumarating sa iyong buhay. Maliban na lamang kung ikaw mismo ang maghahanap at lalapit kay Jesus tulad ng ginawa ni Zaqueo.

AMEN