ivan

Ang Nag-iisang Inday Sara

Ivan Samson Feb 21, 2022
321 Views

NAALALA nyo pa ba na may isang babaeng mayor na lumabas sa kanyang opisina, pinuntahan at ipinagtanggol ang kanyang ang mga mahihirap na nasasakupan sa Barangay Soliman, Davao City na nasa bingit na mawalan ng tahanan? Naalala nyo pa kung paano siya nakiusap sa hukom na ipagpaliban muna ang demolisyon upang hindi mawalan ng tahanan ang 217 na pamilya ng mga maralita sa kanyang bayan? Alam nyo ba na ang mga residenteng ito ang bumabangon pa lamang sa flash flood or biglaang pagbaha na sumira at gumimbal sa distrito ng Talomo? Naalala nyo pa ba kung paano subukang pwersahang gibain ang kabahayan ng mga kawawa nating kababayan?

Sino ang tumulong, tumayo at nandigan para sa kanila? Sino ang nagmalasakit na nakipagmatigasan sa sheriff at sa iba pang may balak na wasakin ang kanilang mumunting tahanan? Walang iba kung hindi ang nag-iisang “Inday” Sara.

Sa kasalukuyan, si Inday Sara ang nangunguna sa mga survey na nagtatala ng napakalayong agwat kung ihahambing sa kaniyang mga katunggali. Marami ang tiwala sa kayang gawin ni Inday Sara. Sabi-sabi ng mga bumabatikos sa kaniya, isa lamang daw itong halimbawa ng “name recall” bilang siya ay anak ng ating Presidente Duterte.

Gayumpaman, ang kaniyang mga nagawa at nakamtan sa ilang taon niyang pagiging alkalde ng Davao City ay taliwas sa mga pahayag ng oposisyon.

Ano nga ba ang serbisyong kayang dalhin at ibigay ni Inday Sara para sa Pilipinas? Marami ang may kumpyansa at tiwala na malaki ang maiaambag ni Inday Sara para umunlad ang ating bansa.

Kung sa usapin ng naatim na edukasyon, si Inday Sara ay nagtapos ng abogasya noong 2005 sa San Sebastian College-Recoletos. Sa parehong taon, siya ay nakapasa sa bar exam at naging ganap na abogado.

At noon ngang 2010, nahalal si Inday Sara bilang alkalde ng Davao City, kapalit ng kaniyang ama. Siya ang kauna-unahang babaeng naging alkalde ng nasabing lungsod. Noong 2016, muling nahalal si Inday Sara sa kaparehas na posisyon.

Ikalawa, kung track record ang pagbabasehan, malayo ang agwat ni Inday Sara kumpara sa ibang tumatakbong pangalawang pangulo. Ayon nga sa isang independent survey na kinomisyon ng RP- Mission and Development Foundation Inc. (RPMDinc), si Inday Sara ang tinaguriang “Top Performing Chief Executive”, kung saan siya ang nakakuha ng 93% approval rating. Mataas ito ng ilang puntos sa nakuha ng kaniyang ama na si Presidente Digong na 86% noong siya ang alcalde ng Davao City.

Sa ilalim ng kaniyang pamumuno, nakapagtala ang Davao City ng total investment portfolio na P230 billion noong 2016, P272 billion noong 2017, at P279 billion noong 2018. Bilang resulta, maraming trabaho ang nalaganap at mas umunlad ang kanilang lokal ekonomiya.Sinasabi rin na sa taong 2022 ay maituturing na “debt-free” na ang Davao City matapos nitong makapagbayad ng kanilang pagkakautang. Ito ay bunsod ng pagtaas ng nakolektang mga buwis bunga ng pagpapatupad ng Ordinance No. 0291-17, series of 2017, o ang 2017 Revenue Code. Makikitaan si Inday Sara ng galing sa pamumuno. Ito ay nasasalamin sa respetong ibinibigay ng kaniyang mga nasasakupan sa kaniyang rehimen. Noong 2019, nakapagtala ng pagbaba ng “Fines and Penalties on Local Taxes for 2019” kung saan ipinapakita na marami ang nagbayad ng kanilang buwis sa tamang halaga at sa itinakdang panahon.

Kilala si Inday Sara sa kaniyang tapang at paninindigan. Umugong ang kaniyang pangalan nang siya ay umaksyon upang pigilan ang isang demolisyon sa kaniyang lungsod.

Si Inday Sara din ang utak ng Biyaheng Do30 o ang pinaikling bersyon ng “Do 30 projects”, kung saan nilalayong solusyonan ang mga suliranin sa kahirapan, imprastrakrura, kalusugan, edukasyon, turismo, kapayapaan at kaayusan, transportasyon at trapiko, solid waste managementat disaster risk and mitigation. Samu’t saring mga proyekto ang nagawa sa ilalim ng kampanyang ito.

Marami ang umaasa na madadala ni Inday Sara ang galing at tapang na kaniyang ipinamalas sa Davao City sa Pilipinas. Kung magpapatuloy ang pag-arangkada ni Inday Sara sa mga polls at surveys, hindi malayo na siya ang magiging susunod na pangalawang pangulo ng Pilipinas sa darating na Halalan 2022. Ilan laman ito sa mga dahilan kung bakit mayroon tayong tinatawag na “nag-iisang Inday Sara”.