pauls

Ang ‘problema’ kay Sen. Ping

Paul M. Gutierrez Feb 28, 2022
389 Views

KATULAD ng kanyang dalawang unang pagtatangka na maging pangulo ng ‘Pinas, patuloy na mababa ang rating ni Sen. Panfilo ‘Ping’ Lacson sa mga survey.

Bagaman alam ng lahat na “magaling,” ewan ba natin bakit pagdating sa “ipagkakatiwala” sa kanya ng mga Pinoy ang Malakanyang, “asiwa” sa kanya ang mga Pinoy?

Take note: Ang hindi “pag-angat” ni Sen. Ping sa mga presidential surveys noong 2004 elections ang dahilan kung bakit hindi siya, bagkus, si ‘Da King,’ (Fernando Poe Jr/FPJ), ang sinuportahan noon ni Pang. Erap—na bagaman nakakulong sa mga imbentong bintang eh, sadyang “labs na labs” pa rin ng masang Pilipino.

Ang mababang rating din sa presidential surveys noong 2016 ang nagpabago sa desisyon ni Sen. Ping na tumakbo na lang ulit na senador, sa halip na presidente—at nakabuti naman sa kanya ang kanyang desisyon.

Ngayon, halos “kulelat” na naman sa mga survey si Sen. Ping, bagaman, katulad ng ating nasabi, “magaling” naman siya at masasabi pa nga na ‘Mr. Clean’ sa hanay ng mga senador dahil ayaw niyang tanggapin ang kanyang ‘pork barrel.’

Malaki na ang mga naging pagbabago sa nakaraang 6 taon, sa termino ni Pang. Rody at marahil, ito ang isa sa mga dahilan kung bakit “dismayado” kay Sen. Ping ang mga Pinoy?

Pansinin din na sa buong termino ni PDU30, mas naging mabilis ang daloy ng impormasyon dahil sa Internet (bagaman usad-pagong pa rin kumpara sa ating mga kapitbahay na bansa) kaya hindi na madali na “makalimot” o “mabola” ang ating mga kababayan.

At ang napansin nila? Papalapit ang halalan, “lumabas” ang pagiging “trapo” ni Sen. Ping, dahil umano sa pabago-bago niyang postura sa mga isyu, aguy!

Halimbawa, kung dati umano ay ‘pro-death penalty’ siya, abah, ngayon, ayaw na niya! Dahil ba ito ang posisyon ng Simbahang Katoliko at iba pang mga ‘pro-life’ na grupo?

Si Sen. Ping Lacson din ang sponsor ng Anti-Terrorism Law at “nagtanggol” pa nga sa badyet ng NTF-ELCAC at BDP (Barangay Development Program) nito mula 2019 pero nakita natin na noong nakaraang taon, pulos batikos na siya sa NTF-ELCAC at pumabor pa nga sa pagtapyas sa badyet ng BDP mula higit P28 bilyon na ginawang P4.5 bilyon—mabuti na lang at “na-areglo” ng ilang mga kasamahan niya sa Senado katulad ni Sen. Bato dela Rosa at Sen. Bong Go.

“Kailangan” ba din niya ang boto ng mga komunista at mga mambabatas nito sa Kongreso at sa mga probinsiya?

Sa ilalim din ni PDU30, “nagising ang diwa” ng mga Pinoy sa pagmamahal sa bayan at sa ating bansa pero ang posisyon ni Sen. Ping, nakikitang pulos pabor sa interes ng mga Kano!

Hmm. Dahil ba “alam” niya ang makapangyarihang papel ng Amerika sa buhay, kabuhayan at pulitika ng mga Pilipino?

Aber, sa mga sinasabi nga niya tungkol sa isyu ng West Philippine Sea, hindi malaman ng mga Pinoy kung sarili ba niya itong posisyon o “binasa” lang niya ang ‘briefing paper’ sa isyu ng US Embassy?

Kamakailan naman, ang Bureau of Customs (BOC) naman ang “napag-initan” ni Sen. Ping, sa bintang na “hindi” pa rin daw ‘computerized’ ang mga sistema nito kaya may problema pa rin tayo sa smuggling, kasama na ang iligal na droga.

Susme, anang mga taga-Aduana. Hindi kaya mainam na “kumustahin” niya ang kanyang anak na maraming transaksyon sa Aduana at tanungin kung ‘computerized’ na nga ba ang BOC o hindi pa rin?

‘Andami na ring ginawang pagdinig ang Senado hinggil sa BOC kung saan ‘andun si Sen. Ping kaya para sabihin niya ngayon na hindi pa rin ito computerized eh, sino ang gusto niyang maniwala dito, hehehe!

And yes, Sen, Ping. “82 percent” nang ‘computerized’ ang buong sistema at mga proseso sa Aduana—tama ba, DOF Secretary Sonny Dominguez at BOC Comm. Jagger Guerrero?

Marahil, ang ganitong “sabit-sabit” at mga “papalit-palit” na posisyon at mga pahayag ni Sen. Ping ang isa sa mga dahilan kung bakit “mailap” sa kanya ang mga Pilipino pagdating sa presidential election.

Kumbaga, “okay” na sa kanila na maging senador si Sen. Ping. Pero bilang presidente? Teka lang, ibang usapan ‘yan, ahahay!