Calendar
Dahil sa boga nalambat
KALABOSO ang 39-anyos na lalaki matapos mabistong pagbebenta ng ilegal na baril ang kanyang negosyo noong Biyernes sa Taguig City.
Pinosasan ng mga tauhan ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Joseph Arguelles si alyas Mark matapos pagbentahan ng armas ang pulis dakong alas-12:30 ng hatinggabi sa kanto ng Lawton Avenue at Santos Ext., Brgy. South Cembo.
Nakatanggap ng impormasyon si P/Lt. Col. Antonio Ananayo, OIC ng District Special Operations Unit (DSOU), hinggil sa pagbebenta ng armas ng suspek na dahilan upang magkasa sila ng entrapment.
Nakumpiska sa suspek ang dalawang kaliber .45 pistols, dalawang magazine na may tig-apat na bala, cellular phone at markadong salapi.
Nagsasagawa pa ng follow-up operation ang DSOU upang alamin ang pagkakasangkot ng suspek sa malaking sindikato ng distribusyon ng ilegal na armas sa Metro Manila.

