Rider

Angkas na may boga tiklo sa parak

Edd Reyes Sep 22, 2026
113 Views

ARESTADO ang 31-anyos na lalaking angkas sa motor dahil sa pagdadala ng walang lisensyang baril na nahulog kasabay niya ng humarurot ang rider na pinara ng mga pulis sa checkpoint noong Lunes sa Las Piñas City.

Nagsasagawa ng Oplan Sita ang mga tauhan ni Southern Police District (SPD) director P/BGen. Rodel Pastor sa kanto ng J. Tionquiao Avenue at Samuel St., Brgy. Manuyo Dos nang parahin ang rider na may ka-angkas dakong alas-8:45 ng gabi.

Sa halip na huminto, pinaharurot ng rider ang motorsiklo kaya nahulog ang angkas na si alyas Romel pati ang kalibre .38 revolver na may dalawang bala.

Nang hanapan ng dokumento para sa baril, walang maipakita ang suspek kaya’t inaresto siya ng pulisya para sampahan ng mga kasong resistance and disobedience to a person in authority at paglabag sa Motorcycle Crime Prevention Act at RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) sa City Prosecutor’s Office ng Las Piñas.