Carlo Cua Governor Dakila Carlo ‘Dax’ Cua

Apela ni Ping sa Deped: Baka naman puwede ayusin nawasak na eskuwelahan sa Quirino

241 Views

NANAWAGAN si Partido Reporma standard-bearer Panfilo ‘Ping’ Lacson sa Department of Education (DepEd) na kumpunihin ang elementary school building sa bayan ng Nagtipunan na labis na nasira dahil sa paghagupit ng nakaraang bagyo sa probinsya ng Quirino.

Binanggit ito ni Lacson sa town hall meeting kasama ng mga residente sa kalapit nitong bayan ng Maddela. Bago tumungo sa nasabing forum, nakipagkita muna kay provincial Governor Dakila Carlo ‘Dax’ Cua si Lacson na nagbalita sa kanya tungkol sa problema.

“Naidaing sa akin ni Governor Dax na may problema [ang] eskwelahan, na hindi maipagawa, pinapasa raw ng DepEd sa local government unit. E wala naman sigurong pantustos ‘yung local government unit,” sabi ni Lacson na tinukoy ang pampublikong eskuwelahan sa Barangay San Pugo, Nagtipunan.

Ayon kay Lacson na kilala sa mahigpit na pagsusuri niya sa pambansang badyet, may nakalaang pondo ang DepEd para sa pagsasaayos ng mga pasilidad ng eskuwelahan na winasak ng bagyo. Bukod pa umano ito sa pondo na inilaan para sa last-mile school programs—mga eskwelahan na may mas mababa pa sa apat na silid-aralan, gawa sa sawali, walang elektrisidad o pansamantala lamang na pasilidad.

“So, huwag kayong mag-alala mga taga-Nagtipunan dahil, harinawa, mapakinggan ‘yung ating pakiusap dahil kami makikiusap lamang at alam naming may pondo. Kaya malamang maipapagawa na po ‘yung inyong paaralan na nasira doon sa San Pugo,” pagsisiguro ni Lacson.

“I-fo-follow up po namin ito at ito’y hindi namin titigilan nang kaka-follow uphanggang sa magpadala sila (DepEd) ng maggagawa rito,” dagdag pa ng presidential candidate.

Samantala, tiniyak din ni Lacson at ng running mate na si Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III ang maayos na pagpapatupad ng mga batas para sa kapakanan ng mga person with disability (PWD) at ng mga nanay o tatay na solong nag-aalaga ng kanilang mga anak, kung mabibigyan sila ng pagkakataon na mamuno sa bansa.

Mismong si Lacson ang sumiguro sa bagay na ito sa kanyang pagbisita sa bayan ng Sanchez Mira sa Cagayan matapos ang puna ng isang PWD na dinaing na hindi niya umano maramdaman ang epekto ng Republic Act 10070 o ang inamyendahang ‘Magna Carta for Disabled Persons’ Law.

Nakapaloob sa batas ang paglikha ng Persons with Disabilities Affairs Office (PDAO) sa bawat probinsya, siyudad, at munisipalidad. Gayunman, ayon sa dumulog na PWD sa Cagayan, ang ilan sa mga opisinang ito ay hindi naman napakikinabangan dahil walang taong humaharap para sa kanilang mga problema.

Ayon sa presidential candidate, napakalaking problema, lalo na para sa kanilang mga senador, ang makitang mali o hindi tama ang implementasyon ng batas na kanilang inakda na layunin sanang mabigyan ng proteksyon ang mga bawat sektor sa lipunan.

“Pasa tayo nang pasa ng batas pero kinakapos sa implementasyon, walang execution,” pagbibigay-diin ni Lacson. Ito rin aniya ang dahilan kung bakit nais nilang dalawa ni Sotto na mamuno sa ehekutibong sangay ng pamahalaan.

Sinabi naman ni Sotto sa isang single parent sa Cauayan City, Isabela na kanila ring binisita ngayong linggo, na mayroon nang ipinagkakaloob na diskuwento para sa kanilang pinamimili, gayundin ang iba pang benepisyo at pribilehiyo sa ilalim ng Republic Act 8972 o ang Solo Parents’ Welfare Act of 2000.

Pagsisiguro pa ni Lacson, dahil sa 42-taon ng pinagsama nilang karanasan ni Sotto sa lehislatura ay silang dalawa ang may kakayahan na mag-implementa ng mga batas na kanila ring inakda, isinulong, at ipinasa sa Senado.

Kung ang Lacson-Sotto umano ang mananalo bilang susunod na presidente at bise-presidente, makasisiguro ang publiko na makakamit ng mga mahihirap na sektor sa lipunan ang benepisyo na kanilang dapat matanggap mula sa pamahalaan.