Calendar

Kalayaan tungkol rin sa katarungang panlipunan
BILANG pagpupugay sa Kalayaan nakamit ng bansa, pormal na ginunita ng mga mambabatas ang ika-127 Araw ng Kalayaan ng Pilipinas sa pamamagitan ng pagbibigay-diin na ang tunay na kalayaan ay hindi lamang tungkol sa kasaysayan kundi pati na rin sa pananagutan para sa kalikasan, katarungang panlipunan, at pantay na pag-unlad.
Sa seremonya ng pagtataas ng watawat sa Pamintuan Mansion sa Angeles City, sinabi ni Senadora Loren Legarda na ang kalayaan ay may kalakip na tungkulin sa pangangalaga sa kalikasan.
“Sa kalayaan, kabilang ang pagprotekta sa kalikasan,” ani Legarda, na nagpunto sa matinding epekto ng mga sakunang dala ng pagbabago ng klima.
“Bawat bagyo at pagbaha ay paalala na bahagi ng ating laban para sa kalayaan ang pangangalaga sa kalikasang tahanan nating lahat,” dagdag niya.
Ipinabatid din ni Legarda ang kahalagahan ng mga batas na kanyang kinatigan tulad ng Ecological Solid Waste Management Act, Clean Air Act, at Climate Change Act. Bukod dito, binigyang-linaw niya ang papel ng maagang pag-unlad ng kabataan, suporta sa mga guro, at pagtataguyod ng kultura bilang pundasyon ng isang matatag na bansa.
Samantala, inilahad ni Senador Sherwin Gatchalian ang pangangailangang tugunan ang mga suliraning ito upang makamit ang mas makatarungan at tunay na kalayaan para sa lahat.
Sa kanyang pahayag, tinukoy naman ni Senator-elect Kiko Pangilinan ang koneksyon ng kalayaan sa pang-araw-araw na pamumuhay ng mga Pilipino.
Nanawagan siya para sa seryosong pagninilay at kolektibong aksyon sa mga isyung kinahaharap ng bansa.
Sa buong kapuluan, ipinagdiwang ang makasaysayang araw sa pamamagitan ng mga opisyal na seremonya, programang paggunita, at mga pahayag mula sa mga pambansang lider.