Magsasaka

APP para sa mga magsasaka meron na

Cory Martinez Apr 12, 2025
21 Views

INILUNSAD ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Biyernes ang Agri-Puhunan at Pantawid (APP) program ng Department of Agriculture, isang inisyatiba na nag-aalok ng pinansyal at teknikal na tulong sa mga karapat-dapat na magsasaka ng palay.

Kolaborasyon ng Department of Agriculture (DA) at ng regional field offices, ang National Rice Program, Development Bank of the Philippines (DBP), National Irrigation Administration, National Food Authority, Philippine Crop Insurance Corporation, Planters Products Inc., at Agricultural Credit Policy Council (ACPC) ang naturang inisyatiba.

Kabilang sa programa ang input credit access at intervention monitoring cards.

Tinatayang 2,000 magsasaka ng palay mula sa Cotabato, Sarangani, Sultan Kudarat at South Cotabato ang dumalo sa event.

Ayon kay DA Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr., may potensyal na maging game changer ang APP sa sektor ng pagsasaka at may potensyal na maging bankable at mapagkakakitaan ng investment venture sa agrikultura.

Sa ilalim ng programa, ang mga kuwalipikadong magsasaka tatanggap ng hanggang P60,000 na suporta, pinagsamang credit para sa farm inputs at buwanang allowance.

Naka-insured ang bahagi ng pautang upang makatulong na mapagaan ang mga banta ng hindi inaasahang kaganapan. Ang pautang may taunang interes rate ng 2 percent.

Naunang inilunsad sa Kalinga, Apayao at Nueva Ecija, ang APP nakapagpalabas na ng P183.4 million mula sa P360 million na inaprubahan sa 1,352 mga magsasaka na may sinasakang 2,024 ektarya.

Pinalawig ng DBP ang pagpapautang sa mga miyembro ng rehistradong kooperatiba ng magsasaka habang ang ACPC nagbibigay ng financing sa mga indibidwal na magsasaka ng palay.

Bilang dagdag sa tulong pinansyal, nagbigay din ang Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (PhilMec) ng P6.5 million na halaga ng gamit pansaka sa tatlong farmer cooperatives.

Nakatanggap ang Libsur Irrigators Association Inc. ng P1.92 million na rice combine harvester; ang Dajay Riverside Irrigators Association Inc. nakakuha ng P2.3 million four-wheel tractor; at Limito Irrigators Association Inc. nakatanggap ng P2.3 million four wheeled tractor.