Calendar
MMDA CHIARMAN ARTES AT YORME ISKO BINUKSAN ANG MGA FLOODGATE SA ROXAS BLVD,PAGHAHANDA SA PAGBAHA.
Binuksan nina Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Atty. Don Artes at Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang floodgate sa Roxas Boulevard sabay paglagay ng trash traps sa Manila Yacht Club bilang paghahanda sa tag ulan sa siyudad. Kuha ni JONJON C. REYES
Artes, Yorme Isko hinanda Maynila sa tag-ulan, floodgate sa Roxas Blvd. binuksan
PINANGUNAHAN nina Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Atty. Don Artes at Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang pagbubukas ng floodgate at paglalagay ng trash traps sa Manila Yacht Club noong Miyerkules.
Isinagawa ang pagbubukas ng floodgate upang maibsan ang pagbaha sa mga Ermita, Malate, San Andres at Paco ngayong panahon ng tag-ulan na labis na nakakapekto sa pang-araw-araw na buhay ng mga taga-lungsod.
Ayon kay Mayor Isko, kabilang sa mga kalyeng makikinabang ang Pablo Ocampo St., Taft Avenue, Quirino Avenue at Roxas Blvd na malimit bahain kapag umapaw na ang tubig mula sa Estero de Abad.
Bukod sa pagbubukas ng floodgate, sinabi ni Chairman Artes na naglagay din sila ng “trash trap” sa mga lagusan ng tubig ng Manila Yacht Club upang hindi mapunta sa Manila Bay ang mga aanuring basura.
Sinabi ni Artes na may dalawa pang floodgate na ang isa ay sa bahagi ng Remedios na pwede nilang buksan kapag tumindi ng husto ang baha sa Maynila, lalu na kung may bagyo o sunod-sunod na malalakas na ulan.
Sa ngayon hindi pa naman kailangan buksan ang ibang floodgate.
“So long as hindi naman tumaas ng more than gutter deep at passable sa lahat ng uri ng sasakyan ang mga lansangan, siguro, hindi na namin muna bubuksan,” sabi ni Artes.
Isa pa sa nakikitang solusyon ni Artes ang pagdaragdag ng Sewerage Treatment Plant (STP) dahil kulang ang kapasidad ng kasalukuyang STP upang mailabas ng mabilis ang tubig at para na rin makatupad sa inilabas na mandamus ng Korte Suprema ng sa gayon ay hindi na bumaha sa Maynila.
Aminado si Artes at maging si Mayor Isko Moreno na kailangan ang malaking budget para rito na magmumula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Ayon naman kay Yorme Isko, sa ngayon inaasahan pa rin nila na mayroon pa ring pagbaha lalu na’t hindi pa naman nila alam agad-agad ang epekto nito.
Nanawagan din sila ni Chairman Artes sa mamamayan na maging responsable sa pagtatapon ng basura lalu na’t ito ang pangunahing dahilan ng pagbaha sa maraming lugar. Nina JONJON REYES & EDD REYES

