Calendar
ATM Center nabiktima ng pekeng fire alarm
NAG-iimbestiga ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) kaugnay ng pekeng fire alarm na nakaapekto sa operasyon ng Air Traffic Management (ATM) Center noong Martes.
Naganap ang insidente bandang ala-1:24 ng madaling araw na nag-udyok sa pag-impose ng contingency plans at mga safety protocol kabilang ang pagpigil sa mga paalis na flight.
Bumalik sa normal ang operasyon pagsapit ng alas-2:50 ng madaling araw at tuluyang inalis ang lahat ng restriksyon bandang alas-3:16 ng madaling araw.
Nasa 59 commercial at cargo flights ang naantala nang humigit-kumulang 45 minuto bago pinayagang makalipad. Pitong paparating na flight din ang naapektuhan.
Ayon kay CAAP Director General Raul Del Rosario, maayos na naisakatuparan ang lahat ng contingency plan upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero at operasyon.
“Pinararangalan natin ang ating mga air traffic controller sa kanilang propesyonalismo at maagap na tugon, na naging susi upang hindi malagay sa panganib ang kaligtasan ng mga flight at agarang naibalik ang normal na operasyon,” sabi ni Del Rosario.

