Babae pinagbabaril ng kelot na kumatok sa bahay, tigok

42 Views

PATAY ang isang babae matapos pagbabarilin ng lalaking kumatok sa kanyang bahay sa Quezon City noong Sabado.

Idineklarang dead-on-arrival sa Rosario Maclang Hospital ang biktimang si Rowella Pelayo, 37, dahil sa mga tama ng bala.

Hindi nahuli ng mga pulis ang apat na suspek na kinabibilangan ng dalawang babae.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District, nangyari ang insidente pasado alas-11:00 ng gabi sa bahay ng biktima sa Brgy. Bagong Silangan, Quezon City.

Ayon sa isang saksi, nakaupo siya malapit sa bahay ng biktima nang makita niya ang dalawang babaeng suspek kasama ang isang lalaki.

Kumatok sa bahay ng biktima ang isa sa mga suspek at nang mabuksan, pumasok ang isa sa dalawang lalaki na suspek at pinagbabaril ang biktima.

Tumakas ang mga suspek matapos ang pamamaril at umangkas ang isa sa babaeng suspek sa motor na minamaneho ng kasabwat na lalaki.

Isinugod ng mga barangay official ang biktima sa ospital at doon na namatay.

Narekober ang tatlong bala, dalawang fired cartridge case at isang rolyo ng aluminum foil sa crime scene.