ASF File photo

Baboy kinumpiska sa QC checkpoint; 87 positibo sa ASF, 14 may sintomas

Cory Martinez Aug 16, 2024
76 Views

NAGPOSITIBO sa African Swine Fever (ASF) virus ang may 87 baboy na kinumpiska ng Bureau of Animal Industry (BAI) sa isinagawang livestock checkpoint sa Quezon City noong Huwebes.

Ayon kay Agriculture Assistant Secretary for Swine and Poultry Dante Palabrica, mayroon pang 14 na baboy na kasama sa nakumpiska na nagpakita rin ng sintomas ng ASF.

Naharang ang dalawang trak ng baboy sa itinayong livestock checkpoint ng Department of Agriculture (DA)-BAI na kung saan ang unang trak ay naglalaman ng 87 na baboy at ang pangalawang trak ay may 14 na baboy.

Minarapat na kumpiskahin ang mga baboy matapos na nagpakita ng pekeng dokumento ang mga driver ng trak sa mga nagpapatupad ng checkpoint.

Itinayo ng DA at ibang lokal na pamahalaan ang mga border control upang mapigil ang pagkalat ng ASF sa ibang lugar sa gitna ng outbreak ng naturang sakit sa Batangas.

Nagtayo din ng livestock checkpoint ang BAI sa Valenzuela City at iba pang lugar upang matiyak din ang kaligtasan ng industriya ng paghahayop at manok.

May hinala naman ang DA na ang responsable sa mabilis na pagkalat ng ASF ay ang mga walang konsiyensyang negosyante.

Sinabi naman ni Palabrica, isinailalim sa pagsusuri ang mga nakumpiskang baboy dahil peke ang dokumentong ipinakita ng mga driver at hindi nabanggit kung saan galing ang mga ito..

“The blood tests showed the hogs are positive for the ASF virus, so we have no choice but to condemn them and dispose of their carcass at the central burial site we have identified. Trucks have been cleansed and disinfected to ensure they will not spread the virus,” dagdag pa ni Palabrica.

Paliwanag pa ng opisyal na sa unang tingin pa lamang sa mga baboy, paghihinalaan na ang mga ito na ASF-infected sila.

“The pigs are undersized and no hog raiser worth his salt would sell them at these weights,” ani Palabrica.