Baboy

Backyard hog growers sa QC pinapasuko mga alagang baboy

Cory Martinez Aug 22, 2024
112 Views

MAYROON na lamang hanggang Agosto 31 ang mga backyard hog grower sa Quezon City na magsuko ng kanilang mga alagang baboy upang hindi pagmultahin dahil sa paglabag sa ordinansang nagbabawal ng pagtatayo mga piggery at poultry farm sa lungsod para sa food o meat production.

Ito ang babala ni Mayor Joy Belmonte sa gitna nang patuloy na pagtaas ng bilang ng kaso ng African Swine Fever (ASF) sa bansa.

“Napag-alaman ng lungsod na mayroon pa ring ilang residente na nag-aalaga ng baboy bilang kabuhayan. Pero tayo ay may ordinansa kaya hindi ito pwede. Kaya nananawagan po ako sa mga QCitizen na i-turnover ito sa lungsod. Sa tulong din ng QC Council, titiyakin namin na mabibigyan ng suporta at maaalalayan ang mga apektadong residente,” ani Belmonte.

Noong 2020 pa ipinapatupad ng pamahalaang lungsod ang City Ordinance 2990-2020 nagbabawal ng pagtatayo ng piggery at poultry farm sa lungsod para sa food o meat production.

Magbabayad ng P2,000 na multa at pagkakakulong ng tatlong buwan ang mga mapapatunayang lumabag sa naturang ordinansa para sa unang offense.

Sa pangalawang offense, ang multa ay P3,000 at pagkakakulong ng limang buwan at multa naman na P5,000 at pagkakakulong na isang taon sa pangatlong offense.

Nangako naman ang alkalde na bibigyan ng financial assistance ang magsusuko ng kanilang mga baboy. Iti-turn over naman ng pamahalaang lungsod sa Department of Agriculture (DA) ang mga baboy na isinuko.

Kapag negatibo sa ASF virus ang mga isinukong baboy, ibibigay ang mga ito sa DA para puwedeng ibenta sa mga KADIWA store subalit papatayin at ibabaon sa lupa ang mga baboy na magpopositibo sa ASF virus.

Sa kabila nito, tiniyak ni Belmonte na nanatiling walang kaso ng ASF sa lungsod.

Tiniyak din ng alkalde ang buong suporta ng lokal na pamahalaan sa isinasagawang mga livestock at poultry checkpoint ng Bureau of Animal Industry (BAI) sa lungsod.

Upang mapaigting pa ang pagmomonitor sa mga pagbiyahe ng mga baboy, naglagay din ang pamahalaang lungsod sa pamamagitan ng QC Veterinary Department (QCVD) ng mga checkpoint sa Pearl Drive sa Commonwealth Avenue, Kaingin Road sa Balintawak, Mindanao Avenue – Tandang Sora Avenue, at Paang Bundok sa N.S. Amoranto.

“As a highly-urbanized city, bawal ang piggery at livestock sa Quezon City kaya pinaiigting natin ang inspeksyon. Minabuti nating tumulong sa BAI para matiyak na hindi kumalat ang virus sa ibang lugar para hindi makaapekto at makapaminsala sa kabuhayan ng ating QCitizens,” dagdag ni Belmonte.

Nagsasagawa ng validation ang mga tauhan ng QCVD and BAI upang matiyak na lahat ng livestock na dumadaan at pumapasok sa lungsod ay may kaukulang dokumento na nagpapatunay na walang sakit na ASF ang mga dala nilang baboy.

Simula nang ilagay ang mga checkpoint noong linggo, nakapag-inspect na ang QCVD ng may 502 shipment na lahat galing sa Batangas at Quezon.

Sa bilang na ito, ini-release ang 452 shipment samantalang pinabalik naman ang 46 shipment sa kanilang pinanggalingan dahil sa kakulangan ng nararapat na dokumento.

Nakumpiska naman ang apat na trak na kung saan nagpositibo ang may 188 na dala nilang baboy. Agad namang pinatay at inilibing ang mga ito sa isang probinsiya.

Samantalang mayroon namang 153 na baboy na isinailalim sa pagsusuri matapos na magpakita ng sintomas ng ASF virus.

Bukod sa checkpoint, nagsasagawa rin ang mga beterinaryo ng lungsod ng regular na inspeksyon sa mga palengke at grocery.

“Hindi natatapos sa checkpoints ‘yung assistance natin sa BAI. Pati mga karneng baboy sa mga palengke at grocery, chine-check din natin ‘yung certifications para masigurado talaga na walang ASF-contained pork na makakapasok at maibebenta sa lungsod,” paliwanag ni City Veterinarian Dr. Ana Marie Cabel.

Sinabi pa ni Belmonte na bibigyan ang BAI ng dalawang ektaryang lupa bilang holding area para sa mga trak na nagdadala ng baboy.