Kidnap

Bagong bangkay nahukay sa Caloocan, QC kidnap suspek nadawit

10 Views

IDINADAWIT sa isa pang kaso ng kidnapping ang nahuling suspek sa pagkidnap at pagpatay sa negosyante sa Quezon City matapos mahukay ang bangkay ng isa pang naging biktima nito noong 2022.

Ayon sa report ang suspek na si Noli Cape, 29, ay positibong itinuro ni Ginang Ruby Gonzales ang suspek na si Cape na kaibigan ng kanyang anak na si Noel Gonzales na nawawala simula pa noong 2022.

Nabatid na kaibigan ni Cape si Noel kaya naniniwala ang ginang na may nalalalaman ito sa pagkawala ng kanyang anak.

Ayon kay QCPD Director PCol. Melecio Buslig, Jr.,nagtungo sa QCPD ang ginang matapos na makita sa telebisyon si Cape na nahuli bunsod ng pagkakasangkot sa kaso ng pagdukot at pagpatay kay William Pascaran, Sr., kasama sina Mervin Armas, 44 at Victor Vidal Dueñas, 62, alyas John Paul Dwight at Lope Jimenez.

Sa isinagawang pagtatanong ay umamin si Cape at tinuro din ang lugar kung saan nila inilibing ang bangkay ni Noel.

Tinungo ng mga operatiba ang isang madamong lugar sa Pangarap Village, Brgy. 182, Caloocan City at tumambad ang bangkay ng biktima. Positibo naman ang ginang na bangkay ng kanyang anak ang nahukay.

Samantala, si Duenas ay isinasangkot din sa pagpatay sa kapatid ng aktres na si Rochelle Barrameda na si Ruby Rose Barrameda noong 2007.