PDL

Bagong batch ng 300 PDL inilipat sa Iwahig Prison sa Palawan mula NBP

291 Views

ISANG panibagong batch na binubuo ng 300 Persons Deprived of Liberty (PDL) mula sa New Bilibid Prison (NBP) sa Lungsod ng Muntinlupa ang inilipat kahapon sa Iwahig Prison and Penal Farm (IPPF) sa Puerto Princesa, Palawan.

Ang hakbang na ito ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng Bureau of Corrections (BuCor) na maibsan ang siksikan sa NBP, na bahagi ng mas malawak na estratehiya patungo sa inaasahang pagsasara nito sa taong 2028.

Ayon kay BuCor Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr., ang paglilipat ng mga PDL ay mahalagang bahagi ng programang decongestion ng ahensya upang tugunan ang matagal nang problema ng overcrowding sa NBP.

Paliwanag ni Catapang, ang mga nailipat na PDL ay hindi lamang basta ililipat kundi inaasahang magiging aktibong bahagi ng mga programang pang-agrikultura ng IPPF, na ngayon ay patuloy na lumalawak.

Bahagi ng 28,000 ektarya ng lupa ng Iwahig ang kasalukuyang dine-develop bilang isang mega economic zone, kung saan isasama ang mga PDL upang bigyan sila ng mga mahahalagang kasanayan na makatutulong sa kanilang pagbabalik sa lipunan.

“Habang patuloy tayo sa landas ng reporma, ang paglilipat ng mga PDL sa Iwahig ay nagsisilbing pansamantalang solusyon sa pagsisikip ng pasilidad, at isang pundasyon para sa mas makataong paraan ng pagkakakulong—kung saan ang mga bilanggo ay may pagkakataong makapag-ambag sa lipunan habang nagsisilbi ng kanilang sentensya,” ani Catapang.