Calendar
Source: QCPD-PIO
BAGONG EBIDENSYA SA MOLLENIDO CASE NAKUHA NG QCPD


Mula sa bahay ng mag-asawang suspek
MAY mga bagong ebidensiya na nasamsam ang mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) sa isinagawang search warrant operation sa bahay ng mag-asawang suspek na sina Pia at Christian Panganiban sa Barangay San Agustin, Novaliches.
Ayon kay QCPD Director PBGen. Randy Glenn Silvio, dakong alas-7:30 ng gabi noong Pebrero 12 nang salakayin ng pinagsanib na puwersa ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU), Novaliches Police Station 4 at Quezon City District Forensic Unit (QCDFU) ang naturang bahay, kaugnay sa pagpatay kay Police Senior Master Sergeant Diane Marie Mollenido at ang kaniyang 8-anyos na anak na lalaki.
Kabilang sa mga narekober sa bahay ng mag-asawang suspek ang 14 swab samples na may hinihinalang bakas ng dugo, walong piraso ng telang may bahid ng dugo, tissue paper na may dugo umano, siyam na hibla ng buhok na pinaniniwalaang sa mga biktima, isang upos ng sigarilyo, at limang piraso ng styrofoam cooler na sinasabing ginamit sa pagtatago ng baril.
Nasamsam din ang dalawang CCTV units na posibleng may mahalagang kuha kaugnay ng krimen.
Agad na dinala sa QCDFU ang lahat ng ebidensiya para sa masusing forensic examination, upang matukoy kung tugma ito sa blood samples ng mga biktima.
“Mas lalong tumitibay ang kaso natin sa pagkakarekober ng mga karagdagang ebidensiya. Sisiguruhin nating mapapanagot ang mga suspek at makakamit ang hustisya para sa mga biktima,” pahayag ni Silvio.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng QCPD habang inaasahang magsisilbing matibay na ebidensiya sa korte ang mga nakalap mula sa operasyon.

