QCPD

Driver na nasangkot sa LRT tragedy pinakawalan na

393 Views

PINALAYA na ng Quezon City Police District (QCPD) ang driver na nasangkot sa insidente kung saan nasawi ang isang lalaking estudyante sa EDSA Northbound noong Pebrero 11, 2026.

Sa pahayag ng QCPD, lumabas sa masusing imbestigasyon at pagsusuri ng CCTV footage na walang nakitang indikasyon ng kapabayaan sa panig ng driver kaugnay sa insidente.

Matatandaang nahulog umano ang biktima mula sa platform area ng FPJ LRT-1 Station bandang alas-10:30 ng umaga bago napunta sa dinaraanan ng sasakyan.

Ang driver ay nakipagtulungan sa mga awtoridad at pansamantalang inilagay sa kustodiya ng pulisya alinsunod sa standard operating procedures (SOP) ng Philippine National Police (PNP) dahil sa pagkakasangkot nito sa isang insidenteng may nasawi.

Nagsumite din ng isang notaryadong liham ang ama ng biktima na wala na siyang balak magsampa ng reklamo laban sa driver.

Dahil dito, pinalaya ang driver mula sa kustodiya ng Traffic Sector 6 bandang alas-4:10 ng hapon nitong Pebrero 12, 2026.

Nagpaabot naman ng taos-pusong pakikiramay ang QCPD sa pamilya ng nasawing estudyante at tiniyak sa publiko ang patas, walang kinikilingan, at transparent na imbestigasyon sa kaso.