DA

BAI kinumpirma unang kaso ng HPAI H5NP sa CamSur

Cory Martinez May 7, 2025
25 Views

KINUMPIRMA ng Bureau of Animal Industry (BAI) ang pagkatala ng unang kaso ng High Pathogenicity Avian Influenza (HPAI) Type A Subtype H5N9 sa Camaligan, Camarines Sur.

Sa report ng BAI-Animal Disease Diagnosis and Reference Laboratory (BAI-ADDRL) noong Abril 30, 2025, nagpositibo sa naturang virus ang mga duck sample na kinolekta sa isinagawang routine surveillance ng DA Regional Field Office V (DA-RFO V).

Subalit, ipinaliwanag naman ng BAI na bagamat na highly pathogenic ang Subtype H5N9 sa mga ibon, mababa naman ang risk nito sa mga tao base sa kasalukuyang global assessment.

Agaran namang inindorso ng BAI ang mga disease control measure sa DA-RFO V, kabilang na ang agarang quarantine, culling, surveillance at coordination sa mga lokal na awtoridad at ang pag-abiso sa Department of Health (DOH) para sa pagmomonitor ng anumang potensyal na human exposure.

Pinakilos na ng DA-RFO V, sa pangunguna ni Regional Executive Director Rodel Tornilla, ang kanilang Command Center at pinulong ang kanilang Regional Quick Response Team upang ipatupad ang control protocol.

Nagsagawa na rin ng mga coordination meeting ang DA-RFO V sa Regional DOH, Provincial Government ng Camarines Sur at munisipalidad ng Camaligan para ma-streamline ang mga aksyon.

Isinagawa ang culling at proper disposal ng mga natitirang bibe sa mga apektadong farm noong Mayo 6.

Sinimulan naman nitong Miyerkules ang intensive surveillance sa loob ng 1-kilometer quarantine zone at kasunod ang mga monitoring at disinfection measures.

Ipapatupad naman ng DA RFO V, sa pakikipagtulungan sa BAI at lokal na pamahalaan ang sustained disease control operations kabilang na ang surveillance sa loob ng 1-km at 7-km zones at ang paglilinis at disinfection sa mga apektadong lugar upang maiwasan ang pagkalat pa nito.

“Rest assured that BAI is committed to protecting the Philippine’s poultry industry from the threat of avian influenza and will maintain close cooperation with other government agencies and stakeholders. We encourage the public to remain vigilant and report any unusual poultry deaths or signs of illness to local authorities for immediate action,” ayon sa pahayag ng BAI.