Senate

Ban sa kamag-anak ng mga opisyal sa gov’t contracts aprub sa Senado

15 Views

INAPRUBAHAN ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang nagbabawal sa mga kamag-anak ng mga saklaw na public official hanggang fourth civil degree na lumahok sa government contracts, ngunit iniwan sa bicameral conference ang paglilinaw sa ilang posibleng malawak na aplikasyon nito.

Nakakuha ang Senate Bill No. 1962, o proposed Government Contracting and Procurement Integrity Act, ng 15 boto pabor, walang tutol at walang abstention sa botohan nitong Miyerkules.

Bago ang botohan, sinabi ni Senate Majority Leader Juan Miguel “Migz” Zubiri na may mga tanong ang ilang senador kung hanggang saan aabot ang pagbabawal, kabilang kung maaaring masaklaw ang ilang government transactions na hindi karaniwang procurement contracts.

Binanggit ni Zubiri bilang mga halimbawang kailangang linawin ang Environmental Compliance Certificate, foreshore at pasture lease agreements, permits at licenses.

“If it’s a sweeping, all contracts, all permits, all licenses, all agreements, would gun permits be part of that, license to possess firearms, things like that. So we have to make sure that it’s clearly clarified in the measure,” ani Zubiri.

Sinabi niyang hindi niya aantalahin ang panukala ngunit nais niyang matalakay ang mga naturang usapin sa bicameral conference committee, kung saan pinagkakasundo ang magkaibang bersyon ng Senado at Kamara bago isumite ang panukala para sa pinal na aksyon.

Kinilala naman ni Senate President Sherwin Gatchalian na maaaring magkaroon ng “unseen consequences or unseen impact” ang ilan sa mga sitwasyong binanggit ni Zubiri.

Ayon kay Gatchalian, layunin ng panukala na pigilan ang paggamit ng relasyon sa pamilya upang malusutan ang mga patakaran at makakuha ng construction contracts at iba pang infrastructure projects ng gobyerno.

Sa ilalim ng panukalang ini-sponsor ni Sen. Francis “Chiz” Escudero, hindi maaaring lumahok sa mga saklaw na government contract ang kamag-anak ng covered public official o personnel hanggang fourth civil degree of consanguinity o affinity.

Saklaw nito ang mga kamag-anak sa dugo o sa pamamagitan ng pag-aasawa hanggang fourth degree, kabilang ang mga magulang, anak, kapatid, lolo at lola, apo, tiyuhin, tiyahin, pamangkin at first cousins.

Saklaw din ng pagbabawal ang subcontracting, consortiums, joint ventures at kahalintulad na business arrangements na ginagamit sa pagsasagawa ng government contracts.

Kasama sa mga kontratang sakop ang supplies, materials, machinery, equipment at services, infrastructure projects, joint ventures, public-private partnership projects at iba pang kahalintulad na kasunduang gumagamit ng pondo o ari-arian ng gobyerno.

Kailangang magsumite ang mga pribadong entity na sasali sa government procurement ng sworn affidavit na nagsasabing walang ipinagbabawal na relasyon sa mga saklaw na public official ang kumpanya, kabilang ang mga covered officers, board members at beneficial owners nito.

Sinabi ni Escudero na layunin ng panukala na bawasan ang pagkakataong mapaboran ang mga kamag-anak sa government contracting.

Ang mga mapatutunayang lumabag ay maaaring makulong nang isa hanggang tatlong taon, pagmultahin ng hindi bababa sa ₱100,000 at permanenteng madiskuwalipika sa pagsali sa government procurement.

Ang mga public official o personnel na mapatutunayang responsable sa paglabag ay maaari ring patawan ng pagkakakulong, multa na hindi bababa sa ₱100,000 at permanenteng diskuwalipikasyon sa paghawak ng public office.