Calendar
Lawak ng kaalaman ni Poa tinutukan ng mga senator-judge
TINUTUKAN ng mga senator-judge ang lawak ng personal na kaalaman ni dating Department of Education Undersecretary Michael Poa, ang AFP certifications na ginamit sa pagsagot sa Commission on Audit, at ang custody at dokumentasyon ng confidential funds.
Sa ika-21 araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, sinabi ni Poa na hindi siya personal na nagsagawa ng confidential operations at umasa siya sa impormasyon mula sa Special Disbursing Officer, iba pang DepEd officials at mga dokumentong ibinigay sa kanya nang ihanda niya ang tugon sa Audit Observation Memorandum ng COA.
Masusing tinanong ni Senator-Judge Joel Villanueva kung ano ang factual basis ng pahayag ng DepEd sa COA na ang AFP certifications ay ebidensya ng mga programa at aktibidad na “directly resulting from the information provided by informers.”
Tinukoy ni Villanueva na ang mga AFP witnesses ay nagsabing ang certifications ay tungkol sa kanilang regular activities at hindi mismo nagtatag ng koneksyon sa DepEd informers na binayaran mula sa confidential funds.
Sinabi ni Poa na hindi niya binasa nang hiwalay ang certifications. Ayon sa kanya, nakita niya sa ilang dokumento ang pahayag tungkol sa “synergistic exchange of intelligence and information” na nakatulong umano sa pagtukoy ng mga lugar kung saan gagawin ang mga aktibidad.
Iyon, ani Poa, ang naging dahilan kung bakit itinuring niyang maaaring ilakip ang certifications sa COA response.
Sinabi rin niyang hindi lamang kay dating DepEd Undersecretary Nolasco Mempin siya naghanap ng supporting documents. Lumapit din umano siya sa ibang undersecretaries upang alamin kung mayroon silang accomplishment reports o ibang records na maaaring makatulong sa pagsagot sa audit observation.
“Kaya lang, unfortunately, ang dumating lang po talaga sa akin ay itong certification. So yun lang po ang na-attach ko doon sa aming response,” ani Poa.
Nang tanungin ni Villanueva kung sapat ba ang mga ito, sinabi ni Poa:
“Sa akin kasi hindi ko alam kung sufficient na ’yun. That’s being candid.”
“When I submitted it to COA, siyempre you’re hopeful na COA will find it sufficient,” dagdag niya.
Tinanong din ni Villanueva kung personal bang kinumpirma ni Mempin na ang AFP activities ay resulta ng impormasyon mula sa DepEd informers na binayaran mula sa ₱15.54 milyong rewards.
“Wala po siyang na-confirm sa akin na ganyan,” sagot ni Poa.
Ayon kay Poa, ang mga certifications ang tanging dokumentong personal niyang nakita bilang posibleng “proof of success.”
“Ito lang po yung nakita ko. Yung mga certifications po ng AFP,” aniya.
Tinanong din ni Villanueva kung alam ba ng AFP officers na gagamitin ang kanilang certifications sa COA response.
Sinabi ni Poa na batay sa testimonya ng mga opisyal ng militar, hindi sila nasabihan tungkol dito, ngunit nilinaw niyang hindi niya personal na alam kung ano ang sinabi ni Mempin sa kanila.
Tinukoy rin ni Villanueva na may mga petsa ang certifications bago pa matanggap ng DepEd ang AOM noong Pebrero 2024.
“Based on the dates, I think sir the dates won’t lie naman. So it appears na una yung certification bago yung AOM,” ani Poa.
Kinumpirma rin ni Poa kay Villanueva na hindi siya SDO, hindi siya nagsagawa ng confidential operations at wala siyang personal na kaalaman sa aktuwal na paggamit ng pondo.
Nang tanungin kung nangangahulugan ba ang kanyang pirma sa COA reply na personal siyang lumahok o may direktang kaalaman sa underlying transactions, sinabi ni Poa na pumirma siya “in representation of management or the department.”
Tinutukan naman ni Senate President and Senator-Judge Sherwin Gatchalian ang pagkakaiba ng pananalita sa COA response na pirmado ni Poa at sa kanyang naging testimonya sa House.
Binasa ni Gatchalian ang bahagi ng DepEd reply na nagsasabing ang mga programa at aktibidad ay “directly resulting from information provided by informers during the specified periods.”
Ikinumpara niya ito sa House transcript kung saan gumamit si Poa ng mga salitang “in theory” sa pagpapaliwanag ng koneksyon.
“Bakit kayo nag-iba? Bakit lumambot yung sagot ninyo?” tanong ni Gatchalian.
Ipinaliwanag ni Poa na ang nakasulat sa AOM response ay posisyon ng DepEd batay sa impormasyong ibinigay sa kanya ng SDO at sa certifications, samantalang sa House hearing ay tinatanong siya tungkol sa kanyang personal na kaalaman.
Ayon kay Poa, sinabi sa kanya ng SDO na ang rewards ay ibinibigay sa mga taong nagbibigay ng impormasyon. Pagkatapos, sinabi niyang nakita niya sa AFP certifications ang pahayag na may information o intelligence exchange na nakatulong sa pagpili ng mga lugar para sa Youth Leadership Summits o information and education campaigns.
Dito muling tinanong ni Gatchalian kung paano maiuugnay ang success ng AFP activities sa confidential information at sa pagbabayad ng rewards.
“How do you now prove that this success is from confidential information, from payment of rewards? How do you connect this to a successful payment of reward that led to a successful operation?” tanong ni Gatchalian.
Sinabi ni Poa na ang naging basis niya ay pinagsamang impormasyon mula sa SDO at sa nakasaad sa certifications.
Hindi sinabi ni Poa na personal niyang nasaksihan ang pagbabayad sa informers o ang paggamit ng impormasyong ibinigay nila.
Tinutukan naman ni Senator-Judge Francis “Kiko” Pangilinan ang custody ng proof of payment at iba pang supporting records na dapat ayon sa Joint Circular ay mahigpit na iniingatan.
Tinanong ni Pangilinan kung may vault sa DepEd para sa confidential-fund documents.
“According to the Joint Circular, there is a vault that is required. But I did not see that vault,” sagot ni Poa.
Sinabi niyang hindi niya alam kung mayroon o walang vault sa DepEd dahil hindi niya ito nakita habang nanunungkulan.
Tinanong ni Pangilinan kung, bilang opisyal na sumagot sa AOM, hindi ba dapat niyang sinuri ang compliance sa naturang requirement.
“To be perfectly candid, there is no finding on the vault. So to be honest, sir, I did not ask about the vault from the SDO,” sagot ni Poa.
Sinabi rin ni Poa na isa o dalawang acknowledgment receipts lamang ang personal niyang nakita sa isang sealed envelope.
Binalikan ni Pangilinan ang testimonya ni Poa na nang hanapin niya ang supporting documents noong Pebrero 2024 ay sinabi sa kanya ng SDO na kailangan pang kunin ang mga ito “from the field.”
“So it was not in the vault?” tanong ni Pangilinan.
“Well, based on logic, it was not in the vault at the time I asked for it, sir,” sagot ni Poa.
Tinukoy ni Pangilinan na ang ilan sa acknowledgment receipts na pinag-uusapan ay may petsang Hulyo at Setyembre 2023. Mula rito, sinabi niyang sa kanyang pagkaunawa, ilang buwan nang lumipas mula sa paggastos bago pa kinailangang kunin ang records mula sa field.
Tumanggi si Poa na kumpirmahin bilang fact na wala sa vault ang mga dokumento sa buong panahong iyon.
“At the time, hindi ko alam kasi kung hindi pa kompleto o wala talaga, so I cannot answer truthfully,” ani Poa.
Sinabi rin niyang hindi niya alam kung kailan inihanda ang sealed envelope na ipinakita sa kanya. Tantiya niya, nakita niya ito isang araw bago isumite ang COA response habang fina-follow up niya ang records.
Ayon kay Poa, humingi siya ng 60-day extension dahil sinabi sa kanyang hindi makukumpleto ang kinakailangang dokumento sa loob ng 15 araw.
Sa pagtatapos ng kanyang pagtatanong, sinabi ni Pangilinan na marami pa ring tanong tungkol sa handling, paggastos at dokumentasyon ng confidential funds.
“Maraming mga hindi masagot dito sa katanungan kung tama ba ang paggastos ng confidential fund, yung handling ng pondo,” ani Pangilinan.
Itinaas din niya bilang tanong kung talagang ginastos ang pera sa mga nakasaad na layunin o kung maaasahan ang mga dokumentong iniharap.
“Hindi natin alam. Yun ang medyo trahedya rito. So nais natin malaman ng katotohanan pero hindi nakukuha sa mga testigo yung katotohanan,” ani Pangilinan.
Sinabi ni Poa na wala siyang personal na kaalaman upang sagutin ang mga tanong tungkol sa aktuwal na paggamit at custody ng pondo.
“Kung meron lang po akong personal knowledge, Your Honor, I would gladly answer,” aniya.
Tinanong naman ni Senator-Judge Raffy Tulfo kung paano aktuwal na ibinigay ang confidential funds na iniuugnay sa rewards at sa pagbili ng pagkain at gamot para sa field operations.
Ayon kay Poa, wala siyang personal na kaalaman sa mga transaksyon ngunit sinabi sa kanya ng SDO na may cash allocations para sa field operatives na gagamitin sa pagkain at gamot sa safe houses.
Sinabi rin ni Poa na acknowledgment receipts ang ginamit sa dokumentasyon at wala siyang nakitang itemized purchase receipts para sa naturang paggastos.
Pumagitna naman si Senator-Judge Erwin Tulfo nang tanungin ng prosecution si Poa tungkol sa mga naunang pahayag ni Special Disbursing Officer Edward Fajarda hinggil sa paghawak ng confidential funds.
“Are we going to the right direction or are we wasting our time here?” tanong ni Tulfo.
Sinabi ni Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero na mas angkop itanong kay Fajarda ang tungkol sa kanyang sariling mga pahayag at sinustain ang objection ng defense.
Sinabi ni Poa na sa 2024 House hearing lamang niya unang nalaman na may security officer sa DepEd at na may confidential funds umanong ibinigay kay Col. Dennis Nolasco.
Sinabi niyang hindi niya nakausap si Nolasco nang ihanda niya ang COA response.
Kinuwestyon naman ni Senator-Judge Risa Hontiveros ang naunang hiling ng OVP at DepEd officials na gumamit muna ng audit query bago ang AOM.
Sinabi ni Poa na ang hiling ay ginawa dahil sa pananaw ng mga opisyal na general ang Joint Circular at hindi malinaw kung gaano kadetalye ang kinakailangang Physical and Financial Plan.
Hindi pumayag ang COA at nagpatuloy sa AOM.
Tinanong din ni Hontiveros si Poa kung, batay sa lahat ng nalalaman niya ngayon, masasabi niyang naaayon sa batas at mga patakaran ang paggamit ng confidential and intelligence funds ng OVP at DepEd.
Tumanggi si Poa na sagutin ang tanong at binanggit ang attorney-client privilege at ang kanyang papel bilang abogado ni Duterte.
Tinalakay naman ni Senator-Judge Imee Marcos ang pagkakaiba ng audit query at AOM.
Ayon kay Marcos, ang audit query ay ginagamit para sa paglilinaw ng audit requirements, habang ang AOM ay nangangailangan ng written response sa loob ng 15 calendar days.
Kinumpirma ni Poa na humiling ang OVP ng audit query ngunit hindi ito pinagbigyan ng COA.
Kalaunan, sinabi ni Escudero matapos ipasuri ang COA website na ang Audit Query Memorandum ay ginagamit ng auditors upang idokumento ang kanilang mga tanong at maaaring humantong sa clarification, AOM o ibang audit notice.
Tinanong din ni Escudero si Poa tungkol sa naging kaalaman ni Duterte sa DepEd response.
Sinabi ni Poa na ipinaalam niya kay Duterte nang matanggap ang AOM, humingi siya ng pahintulot na makipag-coordinate sa SDO at kalaunan ay binigyan niya ang Vice President ng verbal briefing sa kanyang mga sagot.
Ayon kay Poa, ipinadala rin niya kay Duterte ang soft copy isang araw bago ito isumite at hindi siya pinigilan ng Vice President na i-file ang tugon.
Sinabi ni Poa na wala siyang personal na kaalaman sa ilang aspeto ng aktuwal na paghawak at paggamit ng confidential funds na tinanong sa kanya ng mga senator-judge.

