Barbero pinatay ka-live in ng ex

Edd Reyes Oct 19, 2025
312 Views

TINODAS ng senglot na barbero ang lalaking live-in partner ng dati niyang kasintahan nang puntahan sa inuupahang apartment Sabado ng gabi sa Alfonso, Cavite.

Hindi na umabot ng buhay sa Poblete Memorial Hospital ang biktimang si alyas “Albert”, 33, bunga ng tinamong tama ng saksak sa katawan habang naaresto naman ng mga nagrespondeng opisyal ng Barangay Pajo ang suspek na si alyas “Hospicio”, 28, residente ng Brgy. Poblacion 2 Alfonso, Cavite.

Lumabas sa imbestigasyon ng mga tauhan ng Alfonso Municipal Police Station na lasing ang suspek nang pumunta sa tinutuluyang apartment ng maglive-in partner sa Brgy. Pajo dakong alas-11:55 ng gabi.

Nang makita ng suspek ang biktima sa tinutuluyang apartment, bigla na lamang nitong inundayan ng saksak ang lalaki ng walang kadahilanan. Nakapagresponde naman kaagad ang mga opisyal ng barangay nang malaman ang kaguluhan..

May hinala ang mga opisyal ng barangay na hindi pa rin matanggap ng suspek na ipinagpalit siya ng dating kasintahan sa lalaking may mas maayos trabaho bilang manager sa pinagtatrabahuhang kompanya.

Inihahanda na ng pulisya ang pagsasampa ng kasong kriminal laban sa suspek sa Alfonso Municipal Prosecutor’s Office.