MMDA

Basurang nakuha ng MMDA sa sementeryo umabot ng 2K bags

Edd Reyes Nov 4, 2024
57 Views

UMABOT sa mahigit 2,000 bag ng basura ang nahakot ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa siyam na araw na pag-iikot sa mga sementeryo sa Metro Manila.

Ayon sa MMDA, simula Oktubre 26 hanggang Nobyembre 4 umabot sa 2,347 na garbage bag ang napuno sa paghahakot sa mga pampubliko at pribadong sementeryo sa Kamaynilaan.

katumbas ng 50 tonelada o ng 12 trak ng basura ang nahakot nila.

Sinabi ng MMDA na sa kabila ng mahigpit na tagubilin ng mga lokal na pamahalaan sa mga bibisita sa puntod na magdala ng sariling garbage bag at dalhin ang kanilang basura, mas marami pa rin ang pasaway na nagtatapon lang sa gilid-gilid ng mga sementeryo.

Sa Maynila, naging katuwang ng MMDA ang mga tauhan ng Department of Public Service (DPS) na inatasan ni Mayor Honey Lacuna na sikaping mapanatiling malinis ang loob at labas maging ang paligid ng Manila North at South Cemetery.

Umabot sa may 380 personnel ng Metro Parkways Clearing Group (MPCG) ng MMDA ang matiyagang nag-ikot sa mga sementeryo sa Kamaynilaan upang hakutin ang mga iniwang basura ng mga bumisita sa puntod.