Bata Hindi na umabot ng buhay sa pagamutan ang 4-anyos na batang lalaki matapos masagasaan ng isang SUV sa kahabaan ng España Blvd. sa Sampaloc, Manila.

Batang lalaki, 4, nasagasaan ng SUV habang namamalimos, patay

Jon-jon Reyes Oct 29, 2025
263 Views

HINDI na umabot ng buhay ang isang 4 na taong gulang na batang lalaki matapos aksidenteng masagasaan ng isang sport utility vehicle (SUV) habang namamalimos sa may Algeciras St. corner España Blvd., Sampaloc, Manila, araw ng Martes.

Kinilala ang batang biktima na si alyas “Natan” na nanirahan sa España Blvd. corner Algeciras St. sa Sampaloc.

Ang driver ng SUV na si alyas “Carle” ay 34-anyos na binata na kasalukuyang iniimbestigahan ng pulisya.

Ayon sa report ng Manila Police District-Traffic Enforcement Unit (MPD-TEU), bandang alas-12:25 ng tanghali nang maganap ang aksidente sa nasabing lugar.

Base sa inisyal na imbestigasyon, bago ang insidente ay binabagtas ng driver ang kahabaan ng Algeciras St. sa Sampaloc at pagdating sa kanto ng España Blvd. ay huminto ang mga sasakyan dahil sa red light.

Habang nakahinto ang mga sasakyan, tumawid ang bata at nangatok sa mga sasakyan upang manghingi umano ng makakain o pera.

Subalit nang naging green na ang ilaw ay biglang umarangkada na ang sasakyan hanggang sa bumangga sa biktima.

Dahil sa lakas ng impact, tumilapon ang paslit at bumagsak sa semento kaya nagtamo ng maraming physical injuries.

Agad itong dinala ng rumespondeng ambulansya sa Jose Reyes Memorial Medical Center ngunit idineklara itong dead on arrival ng attending physician.

Samantala, ang driver ay dinala ng mga first responder sa Tondo Medical Hospital para sa medical examination, habang inihahanda ang naaangkop na kaso laban sa kanya.