Isko

Mga negosyante hinimok ni Mayor Isko na samantalahin tax amnesty, discount sa amilyar

Edd Reyes Oct 29, 2025
315 Views

HINIMOK ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ang mga negosyante at mga nagmamay-ari ng lupa na samantalahin ang umiiral na General Tax Amnesty at diskuwento sa pagbabayad ng maaga ng amilyar.

Sa kanyang pagsasalita sa mga miyembro ng Anvil Business Club sa isinagawang Anvil Exchange Forum sa The Manila Hotel Biyernes ng gabi, pinaliwanag ng alkalde na ang hakbang ay nilikha upang tulungan ang mga taxpayers na malinis ang kanilang rekord at makakatulong makabawi ang lungsod sa pagkakalugmok sa pananalapi.

Ipinaalala ng alkalde sa mga negosyante na ang nilagdaan niyang Ordinance No. 9118 o ang General Tax Amnesty nang makaupo siya sa puwesto ay epektibo na lang hanggang Disyembre 31, 2025.

Iniulat pa ng alkalde na nakakolekta na ang lungsod ng P266.36 milyon sa mga delingkuwenteng buwis nang simulan ang amnestiya kabilang ang P127.43 milyon sa real property tax, P94.98 milyon sa business tax, at P43.93 milyon sa miscellaneous collections.

Kung wala aniyang amnestiya, ang kabuuan sanang bayarin ay aabot sa P380.17 milyon na nangangahulugan na nakatipid ang mga taxpayers ng P113.8 milyon sa naturang programa.

“May natitira pa kayong dalawang buwan—hanggang Disyembre 31, 2025—upang mag-avail ng ating General Tax Amnesty. Huwag na po ninyong palampasin ang pagkakataong ito,” sabi ng alkalde sa kayang talumpati.

Ini-anunsiyo rin ni Mayor Domagoso na magkakaroon ng 20% discount ang mga magbabayad ng buo ng kanilang amilyar bago ang Disyembre 10, 2025, 15% naman kapag nagbayad ng buo mula Disyembre 11 hanggang 20, at 10% diskuwento sa mga magbabayad sa pagitan ng Disyembre 30, 2025 hanggang Enero 31, 2026.

“Sayang po ang diskwento—kung maaga kayong magbayad, malaking tulong ito sa inyo at sa lungsod,” sabi pa ng alkalde, kasabay sa paghimok sa mga taxpayers na gamitin ang Go Manila digital platforms sa pagbabayad upang makaiwas na sa mahabang pila.